Lucky charms sa Purefoods

KAHIT na gaanong kagaling ang isang coach, hindi maikakailang naniniwala pa rin ito sa pahiyang, sa pamahiiin o sa “lucky charm.” Hindi natin masabi exactly, pero tila ganito rin ang pakiramdam ni Purefoods Tender Juicy Giants coach Paul Ryan Gregorio ngayong nagbalik sa kanyang lineup sina Paul Artadi at Jean Marc-Pingris. Ang dalawang ito kasi’y bahagi ng Purefoods team na huling nagkampeon noong 2005-06 Philippine Cup nang talunin ng Giants sa Finals ang Red Bull, 4-2. Iyon ang ikalawang titulo ni Gregorio bilang coach sa PBA. Si Pingris ay pinarangalan noon bilang Most Improved Player dahil na rin sa kanyang sipag sa pagkuha ng rebounds. Bagamat mas maliit siya kaysa sa acknowledged big men ng liga, kaya niyang makipagsabayan sa mga ito. Si Artadi naman ang isa sa mga point guards ng koponan at “at home” siya sa Purefoods dahil sa kasama niyang umakyat sa pros ang kanyang kakampi sa University of the East na si James Yap na noong taong iyon ang siya namang Most Valuable Player. Ang dalawa ay tinaguriang “Kid Lightning at Boy Thunder” ng PBA. Pero hindi naglaon ay nagkahiwalay sina Yap at Artadi. Matapos ang isang taon ay napunta si Artadi sa Barangay Ginebra samantalang si Pingris naman ay napunta sa San Miguel Beer. Nakaganda naman para kina Artadi at Pingris ang pagkakalipat nila dahil sa nakatikim ulit sila ng kampeonato. Nagwagi ang Gin Kings sa 2007-08 Fiesta Conference samantalang nanalo ang Beermen sa 2008-09 Fiesta Conference. Sa mga panahong iyon naman ay medyo minalas ang Purefoods. Noong 2007-08 ay halos sumadsad sa “rock bottom” ang Giants. Bahagya silang nakabangon noong nakaraang taon. Kaya naman natuwa si Gregorio nang makabalik sina Artadi at Pingris sa kampo ng Giants matapos ang serye ng trades. Pakiramdam niya’y nabawi niya ang kanyang mga “lucky charms.” Ganito rin kasi ang naging pakiramdam ni Gregorio noong 2005-06 nang magbalik sa lineup ng Purefoods si Roger Yap. Magugunitang si Roger Yap ay kinuha ng Purefoods sa first round ng 2001 season. Si Eric Altamirano pa ang head coach ng Purefoods noon at assistant lang niya si Gregorio. Nang sumunod na taon ay na-promote si Gregorio bilang head coach ng Purefoods at sa unang taon niya sa posisyong iyon ay naigiya niya ang Giants sa kampeonato ng Governors Cup kung saan tinalo nila ang Alaska Milk sa Finals, 4-3. Si Roger Yap ay bahagi ng champion team na iyon. Pero noong 2003 ay nalipat si Yap sa Shell. At matapos na mag-disband ang Turbo Chargers ay napunta siya sa FedEx. Noong 2005-06 ay nagbalik si Yap sa Purefoods, and the rest as they say, is history! Muling nagkampeon ang Giants! Sa pagbabalik nina Artadi at Pingris, maulit kaya ang kasaysayang ito kay Gregorio at sa Purefoods? Barry Pascua, Lucky Shot BANDERA, 101109

Read more...