Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2 p.m. Skills challenge
4 p.m. All-Star Game
MATAPOS ang napaka-init at punumpuno ng tensyon na mga laro sa unang round ay magpapatagisan naman ng husay at magpapasiklaban ng galing ang mga piling manlalaro ng NCAA sa gaganaping Skills Challenge at All-Star Game ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tampok na kaganapan ay ang pagtutuos ng East at West dakong alas-4 ng hapon at nais ng una na maulit ang naitalang 104-97 panalo sa West noong nakaraang taon.
Bago ito ay magpapasikatan muna ang mga manlalaro sa galing sa 3-point shooting at slam dunk sa ganap na alas-2 ng hapon.
Magbabalik si Travis Jonson ng College of St. Benilde sa hangaring maidepensa ang titulo sa 3-point shootout laban sa mga hahamon na sina Mark Cruz ng Letran College, Wilson Baltazar ng Lyceum of the Philippines University, Ryan Costelo ng San Sebastian College, Gerald Dizon ng University of Perpetual Help, Jozhua General ng Emilio Aguinaldo College, Paolo Pontejos ng Jose Rizal University, AC Soberano ng San Beda College, Exi Biteng ng Mapua Institute of Technology at Ken Zamora ng Arellano University.
Sukatan ng mga locals at foreign players ang mangyayari sa slam dunk at sina Kim Cyril Aurin ng JRU, Allen Bulanadi ng San Sebastian, Jebb Bulawan ng Lyceum, Rey Publico ng Letran at Michole Sorela ng San Beda ay susubukan ang galing nina Allwell Oraeme ng Mapua, Prince Eze ng Perpetual Help, Laminou Hamadou ng EAC, Mustapha Haruna ng Benilde at Dioncee Holts ng Arellano.
Si Jamike Jarin ang didiskarte sa East at kahit hindi maglalaro si Earl Scottie Thompson ng Altas bunga ng back spasms ay palaban pa rin ang koponan dahil nariyan sina Arthur dela Cruz ng San Beda, Jiovani Jalalon ng Arellano at Bright Akhuetie ng Perpetual Help.
Kukumpletuhin ang koponan nina Zach Nicholls at Kent Salado ng Arellano, Ryusei Koga at Sorela ng San Beda, Bradwyn Guinto, Jamil Ortuoste at Michael Calisaan ng San Sebastian, Bernabe Teodoro, Abdul Razak at Jordan dela Paz ng JRU, Gab Dagangon at John Ylagan ng Perpetual Help.
Si Aldin Ayo ng Letran ang coach ng West na pamumunuan ng mga Knights players na sina Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal.
Nasa koponan din sina Oraeme, JP Nieles at Justin Serrano ng Mapua, Joseph Gabayni, Wilson Baltazar at Shaq Alanes ng Lyceum, Jonathan Grey, Pons Saavedra at Jeffrey Ongteco ng St. Benilde, Francis Munsayac, Sidney Onwubere at Christ Mejos ng EAC.