PH booters sasabak sa AFF U19 meet

LUMISAN kahapon ang National Under-19 men’s football team patungong Vientiane, Laos bitbit ang paniniwalang makakapagbigay ng magandang laban sa ASEAN Football Federation (AFF) U-19 Championship na magsisimula na sa Sabado.

Sampung bansa ang kasali sa torneo na tatagal hanggang Setyembre 5 at ang Pilipinas ay kasama ng Thailand, Brunei, Cambodia at Laos habang nasa kabilang grupo ang Vietnam, Myanmar, Singapore, Malaysia at Timor Leste.

“Ito na ang pinakamalakas na team na mabubuo para sa AFF U-19. Karamihan sa mga players na ito ay naglaro sa U14 at U16 habang ang iba ay mga beterano ng Palarong Pambansa,” wika ni coach Dan Padernal sa isinagawang sendoff sa koponan ng Philippine Football Federation (PFF) sa Shakey’s Harrison Plaza noong Miyerkules ng gabi.

Limang linggo nagsanay ang koponan at kasama rito ang mga tune-up matches sa mga collegiate teams at club teams at ang mga manlalaro ay handa na maging pisikal at maglatag ng pressure defense para makuha ang mahalagang panalo.

Unang laro ng koponan ay ang Brunei sa Agosto 22 at kailangang manalo sila para tumaas ng kumpiyansa sa pagharap sa malakas na Thailand sa Agosto 26. Ang Cambodia ang sunod na laro kinabukasan habang ang host Laos ay makakasagupa nila sa Agosto 30.

Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat pangkat ay aabante sa semifinals upang malaman ang mga magtutuos sa titulo.

Magsisilbing tune-up din ito sa pambansang koponan dahil sasali rin sila sa AFC U-19 Championship Qualification sa Laos mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 6.

Read more...