“May the best man win,” sabi ni Sen. Antonio Trillanes IV matapos namang lumutang ang pangalan ng kanyang kapartidong si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano bilang posibleng karibal sa pagka-bise presidente sa 2016.
Kapwa miyembro ang dalawa ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni dating senador Manny Villar.
“Everybody has the right to offer himself as an alternative in 2016 so bahala na ang taumbayan kung sino ang palagay nilang pinakang nararapat,” sabi ni Trillanes.
Nauna nang sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na si Cayetano ang susunod na opsyon ng Liberal Party’s (LP) para maging running mate ni Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II sa 2016.
Sinabi ni Trillanes na sinabihan din siya na isa ang kanyang pangalan sa mga alternatibo ng Liberal Party (LP) bilang ka-tandem ni Roxas.
Niliwanag naman ni Trillanes na ang alok ay hindi direktang nagmula kay Roxas kundi sa mga iba miyembro ng LP.
“Wala. Nagpaalam ako as early as June so wala na,” ayon pa kay Trillanes.
Noong Miyerkules, sinabi ni Trillanes na suportado ng Magdalo group si Sen. Grace Poe bilang ka-tandem ni Roxas.