Pilipinas naka-2 silver sa ASTC Asian ParaTriathlon

HINDI natinag si Sixto Ducay sa masamang paglangoy para pangunahan ang dalawang pilak at isang tansong medalya na napanalunan ng Pilipinas sa idinaos na ASTC Asian ParaTriathlon Championships 2015 kahapon sa Sands of Triboa sa Subic Bay Freeport.

Naorasan si Ducay ng 1:17:30 sa 750m swim, 18k bike at 5k run event at isinantabi niya ang pagkakalapag sa ikalimang puwesto sa anim na kalahok sa PT4 category at tumapos pa sa ikalawang puwesto kasunod ni Keiichi Sato ng Japan na may pinakamatulin sa lahat na 1:07:20.

Sina Andy Avellana at Arnel Aba ay kumuha ng pilak at tansong medalya sa PT2 sa bilis na 1:51:00 at 1:56:51.

Ang ginto ay nakuha ni Kenshiro Nakayama ng Japan sa 1:24:26.

Tulad ng inaasahan, ang Japan ang siyang naging overall champion nang walisin ang anim na kategoryang pinaglabanan sa karerang inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRA) at may basbas ng Asian Triathlon Confederation (ASTC), Asian Paralympic Committee at Philspada.

Pumangalawa ang Pilipinas, bago sinundan ng Hong Kong na may isang pilak, Korea at Malaysia na may tig-isang tansong medalya.

“Nagkaproblema ako sa swim kaya naiwan ako. Kaya ko sana habulin pero malakas din sa bike at run itong Hapon,” wika ni Ducay na naiwanan ng halos apat na minuto ni Sato at tatlong iba pang dayuhan.

Ang mga tumapos sa unang tatlong puwesto ay may makukuhang ITU points na magagamit para makapasok sa Rio Paralympics sa 2016 at umaasa si Ducay na ang kanilang nagawa ay magbubukas din ng pintuan para sa mga sponsors na tumulong sa kanila.

Sasali pa ang mga paratriathletes sa Edmonton Paratriathletes at sa World Paratriathletes sa Chicago sa Setyembre para dagdagan ang mga puntos.

“Umaasa ako na sana ay mapansin din kami ng mga sponsors at makakatiyak sila na gagawin namin ang lahat ng makakaya para bigyan ng karangalan ang bansa,” ani pa ng 47-anyos na si Ducay.

Tumulong para maisagawa ang kompetisyon ay ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Tourism Department, Philippine Sports Commission(PSC), Philippine Olympic Committee (POC), ASTC, Asian Centre for Insulation Philippines, Gatorate, Speedo at Standard Insurance.

Read more...