Teodoro napiling NCAA Player of the Week

HINDI kataka-taka kung bakit maganda ang panimula ng Jose Rizal University sa 91st NCAA men’s basketball.

Bukod sa bumalik ang depensa ng Heavy Bombers ay nakakakuha sila ng solidong numero kay Bernabe Teodoro para magkaroon ng 5-3 karta ang tropa ni coach Vergel Meneses.

“He is a big time player. Sinasabi ko sa kanya na siya ang inaasahan ng team at ipinakikita naman niya na karapat-dapat siya sa responsibilidad na iyon,” wika ni Meneses.

Naghahatid ng 16 puntos kada laro, ang pinakamabangis na laro ni Teodoro ay naitala sa 90-87 come-from-behind panalo laban sa host Mapua noong Martes.

Kinamada ni Teodoro ang career-high 32 puntos at 18 rito ay ginawa sa huling yugto para manalo pa ang Heavy Bombers kahit napag-iwanan ng 18 puntos sa mahigit apat na minuto na lamang ang nalalabi sa orasan.

“Nag-usap-usap kami ng mga teammates ko at sinabi ko na may oras pa at kaya pang bumalik huwag lang kami susuko. Sa huli ay ginusto naming lahat na manalo,” wika ni Teodoro.

Huling laro ng JRU ay laban sa University of Perpetual Help Altas bukas at asahan na makikipagpukpukan pa ang Heavy Bombers sa pangunguna ni Teodoro para tumapos sa mas magandang puwesto papasok sa second round.

Ang galing na ipinakita ni Teodoro ang naggawad sa kanya ng ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.

Tinalo ni Teodoro para sa nasabing parangal sina San Beda Red Lions Nigerian center Ola Adeogun at Letran Knights guard Rey Nambatac.

Read more...