PARA kay Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin nakakapanghinayang na malaman na umayaw na si Marc Pingris sa paglalaro sa national team kung saan napabilang siya sa koponan na nakakuha ng silver medal sa FIBA Asia Championship dalawang taon na ang nakakalipas.
“It’s a tragedy,” sabi ni Baldwin. “He’s so passionate for the sport and the country and he loves Gilas, that’s clear to me, but he won’t be in the team.”
Napapaluha namang nagpaliwanag si Pingris kay Baldwin. “Naintindihan naman ni coach (Tab Baldwin) ‘yung rason ko,” sabi ni Pingris. “Mahal ko talaga ang Gilas pero may bagay na hindi natin kontrolado.”
Naging emosyonal din ang team practice ng Gilas noong Sabado ng hapon sa pagbisita ni Pingris para magpaalam sa koponan.
Inabot ng mahigit isang oras ang pananatili ni Pingris sa Meralco Gym matapos niyang tapusin ang practice session para makasama ang mga dating kakampi na sina Gary David, Jayson Castro at dating Gilas skipper Jimmy Alapag bagamat hindi siya naglaro.
Ang Star Hotshots forward ay isa sa naging mahalagang manlalaro ng Gilas na naghatid ng krusyal na panalo kontra South Korea sa 2013 FIBA Asia Championship kung saan nakakuha ang Pilipinas ng puwesto sa FIBA World Cup noong isang taon.