PANGUNGUNAHAN nina Sixto Ducay at Andy Avellana ang laban ng para triathletes ng Pilipinas sa gaganaping ASTC ParaTriathlon Championships 2015 ngayong umaga sa Subic Bay Freeport.
Sina Ducay at Avellana ay nanalo ng gintong medalya noong 2014 edisyon sa Subic at sila ay magtatangkang maidepensa ang korona sa mga kategoryang TRI4 at TRI2 categories.
Makakatambal ni Ducay si Godfrey Taberna at sisikapin nila na daigin ang hamon na ipagkakaloob nina Keiichi Sato at Takaharu Abe ng Japan at Lee Jun-ha at Seo Jeong-guk ng Korea.
Si Sato ang patok sa karera matapos malagay sa ikaapat na puwesto sa 2015 Yokohama ITU World Paratriathlon.
Makakatuwang naman ni Avellana si Arnel Aba at sisikapin nilang maigupo ang inasahang malakas na hamon ni Kenshiro Nakayama ng Japan. Tumapos si Nakayama sa ikaanim na puwesto sa Yokohama World Paratriathlon sa kanyang kategorya.
Nagpadala rin ng lahok ang Malaysia, Kazakhstan, Kyrgyzstan at Hong Kong dahil ang kompetisyong inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines at may basbas ng Asian Paralympic Committee at Philspada ay isang qualifying race para sa 2016 Rio Paralympics na kung saan ang triathlon ay isang demo sport.
Ang visually impaired twins na sina Joshua at Jerome Nelmida ang kukumpleto sa anim na panlaban sa karerang gagawin sa 750m swim, 18k bike at 5k run at suportado pa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Tourism Department, Philippine Sports Commission (PSC), ASTC, Asian Centre for Insulation Philippines, Gatorade, Speedo, Philippine Olympic Committee at Standard Insurance.
Bibigyan ng puntos ang mga mananalo na kanilang magagamit sa hangaring makasali sa Paralympics.
Magkakaroon din ng side events na sprint triathlon at mixed relays para sa mga age groupers.
Sisimulan ang karera sa Sands Of Triboa at magtatapos sa San Bernardino street.