PNP: Lahat kapatas, walang piyon | Bandera

PNP: Lahat kapatas, walang piyon

Ramon Tulfo - August 15, 2015 - 03:00 AM

ANG batas na nagmamando na lahat ng pulis ay nagtapos ng college ay dapat ibasura upang maipasok ang mga high school graduates o college undergraduates sa Philippine National Police (PNP).

Isinasaad sa nasabing batas na kailangan ang isang professionalized PNP.

Ang ibig sabihin ng professionalized PNP ay lahat ng miyembro ay dedicated at madunong sa kanyang trabaho, hindi yung nagtapos lahat sa kolehiyo.

Sina PNP chief Ricardo Marquez at Sen. Grace Poe, na namuno sa pagdinig ng hearing ng PNP modernization, ang nagsasabi na kailangang tanggapin ang mga nagtapos ng high school bilang pulis.

Sa ngayon, pawang mga nagtapos lang ng kolehiyo ang tinatanggap na uniformed personnel ng PNP.

Sa Senate na tumatalakay sa modernization ng PNP, sinabi ni Marquez na kapag tinanggap ang mga mahirap pero matatalinong high school graduates sa pulisya, mabibigyan ang mga ito ng pagkakataon na makapagtapos sa kolehiyo.

Tama sina Poe at Marquez: Dapat natin ipagkakait sa mga matatalino na high school graduates ang pagkakataon na makapagsilbi sa bayan sa pamamagitan ng pagiging pulis?

Karamihan sa ating present batch ng pulis ay mga bobo noong nasa high school at college sila: Basahin lang ninyo ang mga reports nila sa English at maiyak kayo sa awa.

Karamihan sa mga rookies o bagong pulis ay hindi alam ang tama sa mali dahil nag-aasta silang mga kriminal.

Ako’y makakapagtestigo sa abusadong pag-uugali ng maraming pulis bilang host ng “Isumbong mo kay Tulfo,” isang public service program sa radyo.

Napakarami na akong natulungang mamamayan sa pagsasampa ng kasong criminal at administratibo laban sa mga pulis na nang-api sa kanila.

Hindi na namin mabilang sa “Isumbong” ang mga kasong isinampa namin sa mga abusadong pulis.

Sa kabilang dako, mabibilang ng aking daliri ang mga sumbong laban sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumatanggap ng mga high school graduates bilang enlisted personnel.

Ngayon, bakit napakaraming sumbong laban sa mga pulis, na nagtapos sa kolehiyo, at kakaunti sa mga sundalo na karamihan ay kapos sa pag-aaral?

Bakit ayaw ng mga pulis na magpatrolya sa kalye at magtrapik, na kasama sa kanilang job description, samantalang ang mga sundalo ay sumusunod sa utos na walang angal?

Ang mga sumusunod ay ang sagot:

Dahil sa siya’y nagtapos sa kolehiyo, ang tingin ng isang pulis sa kanyang sarili ay napakatayog kaya’t di siya puwedeng utusan na gumawa ng trabahong di angkop daw sa kanyang pinag-aralan.

“Kaya nga tinawag kami na police officer. Officer, ang ibig sabihin ay executive kami,” sabi ng isang pulis.

“Hindi ako nagtapos sa kolehiyo upang mautusan lang ng kung sinu-sino,” sabi naman ng isa pang pulis.

Bakit mabaho ang banyo sa halos lahat ng police stations? Dahil tinuturing ng mga pulis na bumababa ang kanilang diumano’y dignidad na maglinis ng banyo.

Ilang taon na rin ang nakaraan nang sumnali ako sa international arnis competition na ginanap sa gym ng Camp Crame, headquarters ng PNP.

Napahiya ako bilang Pinoy sa masangsang na amoy ng banyo ng gym na ginamit ng mga foreign at local participants.

Wala kasing pulis na gustong maglinis ng banyo.

Sa kabilang dako, ang mga enlisted personnel ng AFP—magmula sa private hanggang master sergeant—na hindi college graduates ay sumusunod sa utos dahil alam nila na sila’y mga followers at hindi leaders.

Kung sino man ang kongresista na may akda sa batas na nagmamandong college graduate ang isang pulis ay hindi niya nakita ang magiging consequence: Isang PNP na walang disiplina; isang PNP na lahat ay kapatas at walang piyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending