Pressured si Webb

MABIGAT ang pressure sa balikat ni Jason Webb na humalili kay Tim Cone bilang head coach ng Star Hotshots papasok sa 41st season ng Philippine Basketball Association (PBA) na magsisimula sa Oktubre.

Biruin mong ang pinalitan niya ay ang winningest coach sa kasaysayan ng liga. At hindi lang basta winningest. Nakabuo pa si Cone ng dalawang Grand Slams. Ang huling Grand Slam ay nakumpleto ni Cone habang hawak ang San Mig Coffee (dating pangalan ng Star). Ang una ay habang hawak ang Alaska Milk.

Kaya nga may ilang mga fans ng Star ang nagtataka kung bakit inilipat sa Barangay Ginebra si Cone matapos lang ang isang taon mula ng makumpleto ang Grand Slam.

Hanggang sa huling saglit ay hinihiling sana ng mga fans na ito na magbago ang isipan ng mga taga-San Miguel Corporation at huwag alisin sa poder ng Star si Cone.

Pero mas kailangan si Cone sa Ginebra, e. Kasi nga’y ang tagal nang hindi nagkakampeon ng Gin Kings, Walong taon na silang hindi makakatikim ng titulo. Ang dami na nga coaches ang humawak at nagpilit na ihatid ang Gin Kings sa tagumpay subalit mabigo ang mga ito.

Siguro naman daw ay hindi mabibigo si Cone at muling maghahari ang Gin Kings.

E, paano naman daw ang Star Hotshots? Maghahari pa ba ang Hotshots ngayong wala na si Cone? Kaya ba ni Webb na pasunurin ang Hotshots? Kaya ba ni Webb na sundan ang yapak ni Cone.

Unfair naman kung huhusgahan kaagad si Webb ngayon gayung hindi pa nga nababasa ang kanyang mga paa sa kanyang bagong tungkulin.

Sa totoo lang, malaki rin ang isinakripisyo ni Webb upang marating ang kanyang kinalalagyan.

Iniwan ni Webb ang kanyang pagigig broadcaster upang maging bahagi ng Star Hotshots simula sa Governors’ Cup ng 39th season nang halinhan niya si Jeffrey Cariaso bilang assistant coach. Si Cariaso ay lumipat sa Ginebra pero nabigo sa loob ng dalawang conferences. Ngayon ay assistant coach ng Alaska Milk si Cariaso.

Biruin mong sangrekwang television assignments ang nawala kay Webb sa pagiging assistant coach niya. Dati-rati’y hindi lang sa basketball siya analyst kundi pati sa football.

Pero tinalikuran niya iyon dahil pangarap niyang maging coach.

Actually, second generation PBA coach si Jason. Kasi nauna sa kanyang naging coach ang kanyang amang si Freddie Webb.
Second generation player din si Jason dahil naglaro rin sa PBA si Freddie.

At talagang sinusundan niya ang yapak ng kanyang ama dahil sa pumasok na rin siya sa politika bilang konsehal ng Parañaque. Si Freddie ay nagsimula bilang konsehal pero umabot sa pagiging senador. Malay natin, umabot din si Jason sa level na iyon.

Pero siyempre, sa ngayon, nais muna ni Jason na maging mahusay na coach sa PBA. Magkaiba nga lang ang naging ruta nina Freddie at Jason. Kasi, hindi na dumaan sa pagiging collegiate coach si Jason. Di tulad ng kanyang ama na nagsilbi bilang head coach ng Letran Knights sa NCAA.

Pero siyempre, iba si Freddie at iba si Jason. Pareho lang silang coach pero siguradong magkaiba ang magiging prinsipyo nila sa paghawak ng koponan.

Gaya na lang ng pangyayaring iibahin ni Jason ang sistema sa Star at hindi tutularan ang prinsipyong iniwan ni Cone.

Hindi raw gagamitin ni Jason ang triange offense. Sarili niyang prinsipyo ang kanyang paiiralin.
Na siyang tama!

Read more...