Letran naungusan ang Mapua; Arellano giniba ang Benilde

BINUHAY ni Rey Nambatac ang nanlamig na opensa ng Letran Knights sa huling yugto para sa 80-77 panalo sa Mapua Cardinals at selyuhan ang number one spot sa first round ng 91st NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Hindi ininda ng kaliweteng shooter ang pagkakaroon ng sprained ankle nang tumapos ito taglay ang 22 puntos, 14 rito ay ginawa sa huling yugto at nilakipan niya ito ng apat na triples.

Dominado ng Knights ang first half na kung saan naitala nila ang pinakamalaking kalamangan na 21 puntos, 48-27, ngunit bumaba ang laro ng Knights at agad itong kinapitalisa ng Cardinals.

Ang tres ni Exeqiel Biteng sa huling 7:25 ng laro ang nagbigay ng 67-60 kalamangan sa host school bago nag-init si Nambatac.

Pumukol pa ng isa pang triple si Biteng para sa 70-65 bentahe pero gumanti ang Knights ng 7-0 bomba na tinapos sa magkasunod na 3-pointers ni Nambatac para ibigay na sa Letran ang kalamangan, 72-70.

“Nagkaroon siya ng sprained ankle sa practice at maga pa ang ankle niya at akala ko hindi siya makakapaglaro. But that’s Rey Nambatac, pagdating sa ganyan, maaasahan talaga,” wika ni Knights coach Aldin Ayo na nagbalik mula sa one-game suspension.

Umangat ang Letran sa 8-1 karta para hawakan ang unang puwesto at si Mark Cruz ay mayroon pang 16 puntos, kasama ang tatlong triples, habang sina Jerrick Balanza at Mcjour Luib ay nagsanib sa 21 puntos.

Si Allwell Oreame ay may 23 puntos at season-high 28 rebounds bukod sa apat na blocks para sa Cardinals na hindi pa rin nagamit ang mga starters na sina CJ Isit at Josan Nimes para tapusin ang laro sa unang ikutan sa 4-5 marka.

Maagang nagtrabaho ang Arellano University Chiefs para iwanan agad ang College of St. Benilde Blazers tungo sa 85-73 panalo sa ikalawang laro.

Ito ang ikalimang panalo sa walong laro ng Chiefs para saluhan ang pahingang Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikaapat at ikalimang puwesto sa standings.

Magagamit din ng Arellano ang panalo bilang motibasyon sa pagharap sa San Beda Red Lions sa rematch ng mga koponang naglaban para sa kampeonato noong nakaraang taon sa pagtatapos ng first round elimination sa Martes.

Read more...