Anthony Jennings aminadong yumabang, lumaki ang ulo noong sumikat

Therese Arceo | June 13,2026 - 01:34 PM
Anthony Jennings aminadong yumabang, lumaki ang ulo noong sumikat

NAGING bukas ang Kapamilya actor na si Anthony Jennings sa kanyang naging pagbabago matapos unti-unting makilala at makagawq ng pangalan sa mundo ng showbiz.

Sa recent episode ng podcast na “Think Talk Tea” podcast ay inamin ng “Nurse the Dead” star na may panahon na umakyat sa kanyang ulo ang kasikatan at ikinuwento rin niya kung paano niya ito nalampasan.

“It means na aminado kang yumabang ka?” tanong ng host na si Kring Kim kay Anthony.

“Oo naman. Well hindi naman siguro na sobra na kung ano yung inimagine niyo na mayabang. Pero, may mga times na nakikita ko na parang nag bago ako. Siguro, yung schedule. May mga hindi ako sinsipot talaga,” sagot ng Kapamilya actor.

Baka Bet Mo: Anthony Jennings maayos na ang lagay matapos ang cheating issue

Kuwento pa ni Anthony, may mga pagkakataon na hindi siya sumisipot sa mga simpleng events at kalauna’y napagtanto niyang hindi propesyunal.

Dagdag pa niya,  iba ang paraan ng kanyang pakikipag-usap sa ibang tao noong mga panahong iyon.

“Parang inisip ko masyado akong busy para diyan pero kaya mo naman gawan ng time, di ba? So parang yun yung mga maliliit ng bagay,” sabi ni Anthony.

Pagpapatuloy niya, “Ngayon, wala na yun. Binabago ko na yung sarili ko. Ngayon, medyo mas ano na ako feeling ko, self-aware na ako.”

Na-realize rin niya na may mga bagay na hindi na maayos at kailangan niyang gumawa ng hakbang para maitama ito.

Kaya naman pansamantalang umiwas si Anthony saxsocial media at muling nakipag-bonding sa mga kaibigan na kilala siya bago pa man niya pasukin ang showbiz.

“Binigyan ko muna ng time yung sarili ko para mas maintindihan ko talaga kung ano yung mga naging problema ko before. Sinettle ko siya isa-isa talaga.

“Hindi mo kasi pwedeng–– ang hirap kasi na kailangan ito ako ngayon–– parang mabait ako agad. Onti-onti talaga siya na proseso like paano ka,” lahad ni Anthony.

Sa kabila ng mga kinasangkutang kontrobersiya ay masaya siyang napagdaanan niya ang mga ito at ngayo’y maliwanag na sa kanya ang layunin bilang isang artista.

“Masaya ako na napagdaanan ko yun kasi marami na akong nakakalimutan that time na napaalala sa akin ng mga kasama ko sa buhay. Masaya din ako sa pamilya ako na nadiyan para sa akin,” sabi pa ni Anthony.

Samantala, bibida naman siya sa iWant supernatural comedy original na “Nurse the Dead” na ipinalabas na nitong June 12.

Ito ang kauna-unahang seryeng Pilipino na kinunan sa Hollywood at idinirek ng award-winning Filipino-American filmmaker na si Mark Labella.