PATULOY na minomonitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang posibleng pagpasok ng dalawang super typhoon sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay weather forecaster Manny Mendoza, tatawagin ang super typhoon na “Ineng” sakaling ito ay pumasok ng PAR.
Idinagdag ni Mendoza na mabagal na gumagalaw ang bagyo sa bilis na siyam na kilometro kada oras papunta sa PAR.
Aniya, maaaring makapasok ang super typhoon sa PAR sa susunod na linggo, sa pagitan ng Agosto 19 hanggang 20. Sinabi pa ni Mendoza na papalakasin din ng bagyo ang habagat o southwest monsoon na magiging dahilan ng malakas na mga pag-ulan.
Sinabi ni Mendoza na hindi naman inaasahang tatama sa lupa ang bagyong Ineng at inaasahang didiretso patungong Japan sakaling magpatuloy ito ng tinatahak na direksyon.
Samantala, sinabi ng Pagasa na sinusubaybayan din nito ang isa pang posibleng super typhoon sa Pacific na papasok sa PAR pagkatapos ni Ineng.