VALENCIA CITY, Bukidnon — Binubuhay muli ni Interior Secretary Mar Roxas ang kanyang “Mr. Palengke” matapos namang bumisita sa isang pampublikong palengke sa Bukidnon kaninang umaga.
Pumunta si Roxas sa Valencia City Central Market kung saan ininspeksyon niya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Roxas na hindi nawala sa kanya ang “Mr. Palengke” sa kabila na binigyan siya ng ibang trabaho.
“Nagpapasalamat ako sa napakainit na pagtanggap nila dito sa palengke ng Valencia at nasasariwa ang mga alaala ko noong ako ay nakilala bilang Mr. Palengke,” sabi ni Roxas.
Iginiit na Roxas na dapat ay tutukan ang mga palengke dahil sentro ang mga ito ng komersiyo sa isang komunidad.
Bumisita rin si Roxas sa 27 pamilya na inilikas sa isang stadium matapos naman ang pagbaha sa Valencia City noong Agosto. Inquirer.net