Hindi lang P1 milyon at ang titulong kauna-unahang grand winner ng “Funny One” ang nakuha ni Ryan Rems Sarita, dahil araw-araw, mapapanood na siya sa kanyang sariling segment sa noontime show ng It’s Showtime.
“Misteryo din sa akin kung paano ako pumatok. ‘Yung unang salang ko natalo ako. Naisip ko walang saysay ito. Tapos natalo na naman ako ng isang beses. Okay lang.
May na-tap pala ako na audience na hindi nanonood ng TV o walang TV sa bahay,” saad ng dating English instructor at call center agent nang humarap sa entertainment press kahapon.
Nakuha nga ni Ryan Rems ang kiliti ng mga manonood dahil sa kanyang sumikat na signature line na “rock and roll to the world.”
At kumpara sa mga nakatapat na komikeros niya sa “Funny One,” kalmado lang sa entablado si Ryan Rems na matagal na raw niyang istilo sa kanyang pagpe-perform bilang isang stand-up comedian.
“Sabi nila pangmatalino ang jokes ko, hindi naman talaga. Ganito na lang ‘yun: Sa isang bahay, may isang makaka-gets sa akin. ‘Yung apat, mumurahin lang ako.
Kahit isang tao lang sa bahay na may maka-gets sa akin, okay na sa akin,” aniya. Kasabay naman ng paglulunsad ng bagong segment ni Ryan Rems, na isa sa mga bagong handog ng It’s Showtime para lalo pang mapaligaya ang madlang people, ay ang unti-unting pagdami ng kanyang mga tagahanga, pati na mga kababaihan.
“Dati, sanay ako na isa o dalawang message lang sa Facebook per week. Ngayon ‘di na mabilang. May mga babae rin na nagme-message sa akin, mga nagsasabing ‘Sinira mo ang mundo ko, Ryan Rems. Sayong-sayo na ako!’” pahayag ni Ryan Rems habang tumatawa.
Bagama’t hindi kumportableng magtanghal sa TV si Ryan Rems noon, aminado naman siyang mas nagiging relaxed na siya rito. Dagdag pa niya, bukas daw siya sa kahit anong offers na umarte at bumida sa sitcom.
Bukod pa kay Ryan Rems, asahan ding makikita pa sa telebisyon ang ibang komikeros na Crazy Duo (1st runner-up), Nonong Ballinan (2nd runner-up), No Direction (3rd runner-up), at Gibis Alejandrino (4th runner-up).
Makisaya sa buong barkada ng It’s Showtime, 12:15 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes at 12 noon tuwing Sabado sa ABS-CBN.
Anyway, sa pagpe-perform nga sa harap ng media kahapon ng grand finalists ng “Funny One”, talagang tawang-tawa kami sa ginawa nina TJ Valderama at Nonong Ballinan.
Simple lang kasi ang style nila sa comedy, lalo na ‘yung skit nila tungkol sa mahiyaing balut vendor at holdaper!
Patok na patok din sa entertainment reporter na present sa presscon ng “Funny One” sa iba’t ibang uri ng pagbabato ng pie.
Nakakaloka! Awang-awa kami du’n sa isang komedyante na pinagtulungang tapalan ng pie sa mukha at sa kanyang private part! Ha-hahaha! Winner na winner ‘yun sa amin!
Nagpaplano naman ang produksiyon ng It’s Showtime sa posibleng pagkakaroon ng “Funny One Kids Edition.”