INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na palawigin ang insentibo na ibinibigay sa mga atleta at coaches na nananalo sa international competition.
Ayon kay Davao del Norte Rep. Anthony del Rosario, chairman ng House committee on youth and sports development, palalawigin ng panukala ang saklaw ng insentibo na ibinibigay sa mga manlalaro at coaches.
Ang mga bibigyan ng insentibo ay ang mga manlalaro at coaches na kinikilala ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at National Paralympic Committee.
Ang mga gold medalist sa Summer at Winter Olympic Games ay bibigyan ng P10 milyon, P5 milyon naman sa nanalo sa Youth Olympic Games and Paralympic Games; P2 milyon sa Asian Games and Asian Winter Games; P1 milyon sa Asian Paralympic Games, Asian Indoor at Martial Arts Games at World level competitions na isinasagawa tuwing ikalawang taon at nilalahukan ng 45 bansa.
Sa mga gold medalist sa Asian Beach Games at Asian level competitions na nilalahukan ng 25 bansa ang premyo ay P500,000; P300,000 para sa Southeast Asian Games; at P150,000 sa ASEAN Para Games.
Ang mga mananalo ng silver ay mula P5 milyon hanggang P75,000 at sa makakukuha ng bronze ay P2 milyon hanggang P30,000 depende sa laki ng kompetisyong nilahukan.