Brgy chair pinugutan ng Abu Sayyaf, wala kasing pambayad ng ransom

abu-sayyaf
Pinugutan ng Abu Sayyaf ang barangay chairman na dinukot sa Dapitan City,
Zamboanga del Norte, mahigit tatlong buwan na ang nakaraan at iniwan ang
bangkay sa Maimbung, Sulu, Martes ng gabi.

Natagpuan ng mga residente ang magkahiwalay na katawan at ulo ni Rodolfo
Buligao, chairman ng Brgy. Aliguay, Dapitan, sa panulukan ng dalawang kalye
sa Brgy. Lunggang alas-9:45, sabi ni Brigadier General Alan Arrojado,
commander ng Armed Forces Joint Task Group Sulu.

Nakita din sa ibabaw ng katawan ang isang kalatas na nagsasabing kay
Buligao ang bangkay, sabi ni Arrojado sa isang text message.

“Accordingly, the beheading was carried out when the negotiator failed to
meet the amount of ransom demanded by the victim”s captors,” aniya, gamit
bilang basehan ang impormasyon mula sa Sulu provincial police.

Nadiskubre ang bangkay ilang oras lang matapos bumisita sa Maimbung ang
matataas na opisyal ng Sulu, kabilang sina Gov. Abdusakur Tan II at ama
niyang si Vice Gov. Abdusakur Tan, para magtayo ng solar street lights.

Dinukot si Buligao noong Mayo 4 sa Brgy. Aliguay, kasama ang mga tauhan ng
Coast Guard na sina SN1 Rod Pagaling at SN2 Gringo Villaruz.

Aabot sa 15 armadong lulan ng dalawang pumpboat ang dumukot sa tatlo, ayon
sa ulat na ipinalabas ng pulisya nang sumunod na araw.

Noong Hunyo, matatandaang lumabas sa Facebook ang isang video na
nagpapakitang humihingi ng saklolo sina Buligao, Pagaling, at Villaruz.

Nakapalibot sa tatlo ang di bababa sa walong armado, na pawang mga
nakatakip ng balaclava at alampay ang mukha. Nagbanta ang mga armado na
pupugutan ang mga kidnap victim kung di maibibigay ang tig-P1 milyon ransom
para sa tatlo.

Nakilala na ang mga kidnaper bilang sina Abu Sayyaf sub-commanders Anggah
Adjih, Jul Aksan alyas “Halimaw,” Alden Bagade alyas “Sayning,” at si
Yasser Igasan, na siya ding responsable sa pamumugot, ani Arrojado.

Dinala ang katawan at ulo ni Buligao sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista
Station Hospital ng Jolo alas-8 ng umaga kahapon para linisin, at matapos
iyo”y nilipat sa Integrated Provincial Health Office kung saan mulang
pinagkabit ang mga ito, ani Arrojado.

Kasunod noo”y isinilid ang bangkay sa body bag at metal casket, at ikinarga
sa Navy vessel PG-381 na magdadala kay Buligao sa Zamboanga City.

Umalis ang barko patungong Zamboanga alas-11 ng umaga at inaasahang
makakarating sa lungsod Miyerkules ng gabi.

Pinakilos na ang mga elemento ng Joint Task Group Sulu para tulungan ang
pulisya na magsampa ng kaso at maglunsad ng “law enforcement operation”
laban sa mga dumukot at pumatay kay Buligao, ani Arrojado.

Read more...