APLIKANTE bilang driver patungong Saudi Arabia si Reynaldo. Palibahasa’y masugid na tagasubaybay ng Bantay OCW ang kanyang ina, kung kaya’t pinayuhan niya itong magtungo sa amin para alamin kung tama ba ang proseso ng kanyang pag-a-aplay.
Direct hire ‘anya si Reynaldo dahil may kaibigan itong nasa Saudi Arabia na siyang kumausap at nakahanap ng kaniyang emplo- yer.
Kumuha din sila ng lokal na recruitment agency dito sa Pilipinas upang siyang magproseso ng kaniyang mga dokumento.
Sagot ng employer ang kaniyang placement fee at insurance. Sagot naman ni Reynaldo ang kaniyang passport at pagpapa-medical.
Tama naman ang naturang kasunduan at nais lamang ni Reynaldo na makasiguro at marinig mula sa Bantay OCW na handa namin siyang alalayan hanggang sa makaalis ito. Takot ‘anya siyang maloko at mabigo lamang sa bandang huli.
Hindi nag-iisa si Reynaldo na makadama ng kawalang-tiwala sa mga panahon ngayon. Kaliwa’t kanan nga naman ang mga balita hinggil sa labis na pang-aabuso at pambibiktima sa ating mga kababayang nagnanais lamang mangibang-bayan upang kahit papaano’y mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang iiwanan.
Huwag po kayong mag-atubili na humingi ng tulong sa Bantay OCW dito sa Bandera, at sa abot naman po ng aming makakaya, hindi kayo mabibigo!