PNoy may tulong ba kay Mar?

MAY mga nagsasabi na wala na raw bentahe ang endorsement ni Pangulong Aquino dahil pababa na ito sa pwesto sa susunod na taon. Lame duck na, ika nga.

Pero kung ganito, bakit kaya ito pinag-aagawan at inaasam na makuha ng mga nais na tumakbo sa 2016 elections?

Hindi maikakaila na mataas pa rin ang net satisfaction rating ni Aquino batay sa survey ng Social Weather Station at Pulse Asia ilang buwan bago ang halalan.

Kung kiss of death ang naging bansag noong 2010 elections sa basbas ni noon ay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, iba ang ti-ngin sa endorsement ni Aquino para sa 2016 elections.

Hindi naman siguro maikakaila na kahit si Vice President Jejomar Binay ay ninais na masungkit ang endorsement ni Aquino.

Kung nakuha niya ito, masasabing tapos na ang boksing– kakampi na niya ang administrasyon, kakampi pa niya ang oposisyon.

Pero nagsalita na si Aquino, aniya ang kanyang ieendorso ay ang magpapatuloy ng kanyang Tuwid na Daan.

Inaabangan ng mga llamadista ang magiging resulta ng susunod na survey.

Syempre ang gusto nila, tumaya sa siguradong mananalo kahit pa may mga pagkakataon na iba ang tinitibok na suportahan ng kanilang puso.

Lalo na ‘yung mga malalaking negosyante. Ang gusto nila ay hindi maapektuhan ng pagpapalit ng administrasyon ang kanilang mga negosyo.

Natural lamang ito.

At may mga negosyante na namumuhunan, bumubunot ng pera sa kanilang bulsa at nagpapagawa ng sariling survey.

Hindi basta na lamang iniaasa sa SWS at Pulse Asia.

Ang tanong ng marami, nakatulong nga ba si Aquino para tumaas ang rating ni Roxas?

Kung tumaas ang rating ni Roxas malamang ay magbago ang balasa ng mga tayaan. Malaki o malakas na indikasyon ito na may hatak pa si Aquino sa mga botante.

Kaya abangan ang susunod na survey na lalabas bago ang deadline ng filing ng certificate of candidacy sa Oktobre 16.

Bukod sa endorsement ni Aquino, inaasahan na ibubuhos ng administrasyon ang mga nalalabi nitong proyekto bago ang halalan.

Mararamdaman ng publiko ang mga nala- labing programa ng Malacanang bago matapos ang taon.

Kapag naramdaman ng publiko ang ginhawa ng buhay, malamang ay makumbinsi sila na ituloy ang tuwid na daan.

Read more...