105 dumalo sa kasal nalason sa kinaing handa

food
TINATAYANG 105 na dumalo sa kasal ang nalason matapos kumain ng handa ng kasal ng isang Pinay bride at British groom sa bayan ng Estancia, Iloilo noong weekend.

Sinabi ng mga opisyal ng provincial health na nakaranas ang 105 mga residente mula sa Barangay Gogo sa Estancia ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.
Ang Barangay Goco ay tinatayang 153 kilometro ang layo sa hilagang silangan ng Iloilo City.

Dinala ang 74 na biktima, kasama ang mga bata sa Jesus M. Colmenares District Hospital sa kalapit na bayan ng Balasan noong Linggo kung saan sila binigyan ng oral rehydration solution at antibiotics, ayon kay Dr. Ma. Socorro Colmenares-Quiñon, coordinator ng provincial epidemiological surveillance unit.

Lima na lamang sa mga biktima ang nananatili sa ospital.
Idinagdag ni Quiñon na inaasahan namang makakalabas na ngayong araw ang mga biktima na nakilalang sina Jinky Bantila, 17, isa sa mga bridesmaid; Briana Mie Jaen, 8; Jhon Stephen Fuentes, 11; at 2-taong-gulang na si Janine Belonio.

Base sa inisyal na imbestigasyon, kabilang ang mga biktima sa 300 mga bisita sa kasalan na inihanda ng pamilya ng bride at inihain sa bahay ng babae sa Barangay Gogo.

Inihanda ang mga pagkain ganap na alas-2 ng umaga at inihain sa mga bisita ganap na alas-12 ng tanghali noong Sabado.
“By 11 p.m., the victims started feeling ill,” sabi ni Quiñon
Dinala na ng health personnel ang sample ng pagkain para madetermina kung ano ang naging sanhi ng pagkakalason.
Kasama sa mga handa ay Afritada,Valenciana, Bicol Express and Estofado.
Sinabi ni Quiñon na maaaring Afritada ang naging sanhi ng pagkakalason ng mga biktima dahil ito lamang ang kinain ni Belonio matapos iuwi ng kanyang tatay.

Aniya, nagkatay ang pamilya ng bride ng dalawang baka at dalawang baboy at kumuha ng dalawang kusinera para magluto.

Read more...