Bagong K-12 classroom assessment, makatwiran ba?

Ni Nazarine M. Romano

TUNAY nga bang ang nais ng K to 12 program ay mapataas ang antas ng kaledad ng edukasyon sa ating bansa?

Ito ang sumagi sa aking isipan nang mabasa ko ang inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na bagong alituntunin sa K to 12 classroom assessment.

Nakapaloob sa DepEd Order No. 8, s. 2015 “Policy Guidelines on Classroom Assessment for the K to 12 Basic Education Program” o ang mga paraan at alituntunin kung paano susuriin ang natutunan ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Grade 1 hanggang Grade 12 simula ngayong school year.

Kabilang dito ang grading system kung saan nakalahad ang minimum passing grade na 60 para makapasa sa bawat learning areas. Gayunman, ang isusulat sa DepEd Form 138 ay ang transmuted grade na 75.

Sa bagong grading system na ito ay gumagamit ng transmutation table. Halimbawa, ang grade na 60-61.59 ay gagawing 75; ang 68-69.59 ay gagawing 80; 76-77.59 ay 85; o ang 84-85.59 ay 90. Ang mga transmuted na grades na ito ang makikita ng mga magulang na nakasulat sa progress report card.

Ang student progress report card o DepEd Form 138 ay isang instrumento na ginagamit ng mga paaralan upang ipaalam sa mga magulang ang performance ng kanilang mga anak sa paaralan.

Noong panahon ng dating Kalihim ng DepEd na si Edilberto C. De Jesus, ipinagbawal ang paggamit ng transmutation table sa computation ng grades at ipinagamit niya ang percentage na nakapaloob sa DepEd Order No. 33, s. 2004.

Katwiran niya “in line with the trust of this Department to continuously improve the quality of learning outcomes, the lowest passing grade or the minimum performance standard for students for public elementary and secondary schools is set at 75 percent for SY 2004-2005 and school years, thereafter.”

Idinagdag pa ni De Jesus sa kanyang Order na “Transmutation tables shall not be used in the computation of grades. Test scores shall be recorded as raw scores, totaled at the end of each grading period and then computed as percentage…”

Sa bagong policy guidelines na inisyu ng DepEd, ibinabalik nito ang transmutation table hindi sa pagsusulit kundi sa final grade.

Kung susuriing mabuti, mas mapanlinlang ito dahil ibinababa nito ang performance standard ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan — taliwas sa layunin ng Kagawaran na pataasin ang antas ng edukasyon sa bansa.

Kung nais talaga ng kagawaran na ibaba sa 60 ang minimum performance standard ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, bakit kailangang itago ito sa mga magulang?

Kung ang pagpapababa nito ay makabubuti upang maitaas ang antas ng kaledad ng edukasyon at maging instrumento sa pag-asenso ng kabataang Pilipino, bakit kailangan itong itago?

Kung itutuloy ng DepEd ang ganitong sistema ng pagga-grado sa mga mag-aaral, isa itong panlilinlang sa mga magulang sa tunay na estado ng nalalaman ng kanilang mga anak, at malinaw na indikasyon na ibinababa lang ng DepEd ang students’ performance standard.

(Si Nazarine M. Romano ay Punong Guro ng Don Carlos M. Mejias Memorial National High School sa San Fernando, Romblon.)

Read more...