NAGSIMULA ang usapan nang hindi banggitin ni Pangulong Aquino sa kanyang State of the Nation Address ang SAF 44. Bagay namang ginamit nang husto ni Vice President Binay sa kanyang TSONA.
Sinaluduhan pa ni Binay ang mga namatay na pulis sa kontrobersyal na “8×26 feet Tagaligtas mural” na dating nakalagay sa pader ng Camp Mariano Castaneda sa Silang Cavite.
Una nang naging kontrobersyal ang nasabing mural nang isnabin daw ni PNoy ang unveiling ng nasabing mural noong Marso 25, araw ng Alumni Homecoming ng PNPA. Inutos pa raw nito ang pagpapaalis ng naturang mural sa kampo.
Nagkakahalaga ang mural ng P3.5 milyon na gawa ng Erehwon Arst Center sa kampo, kung saan ang P1.5M ay donasyon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Kasama ring itinayo ang isang 18-foot monument na tinawag na “Bantayog Tagaligtas: Heroic 44” na nilikha ni Jose “Al” Giroy.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, walang katotohanan ang balitang pinatanggal ito ng pangulo. Mismong may-ari daw nito ang nagtanggal, ayon sa report ng mismong mga opisyal ng PNPA at PPSC.
Ang mural ay nakalagay ngayon sa isang pader sa Coconut Palace na siyang official residence ni VP Binay.
Panibagong kontrobersya ang lumitaw nang hindi man lang banggitin ni PNoy sa kanyang talumpati sa ika-114 anibersaryo ng PNP ang kabayanihan ng SAF 44.
Kumalat din ang balita na dalawang miyembro nito ang dapat tumanggap ng award pero diumano’y nawala sa listahan.
Pati pamilya ni SAF Police officer Romeo Cempron ay binilhan ng tiket papuntang Maynila para makadalo sa awarding ceremonies. Kasama sila sa preparasyon, pero last minute ay hindi na raw itinuloy at galing daw sa Presidential Management Staff ang order.
Paliwanag ng PNP, yun lang daw awardees ng 2014 ang naka-schedule at hindi kasama ang 2015.
Marami tuloy ang nag-iisip ngayon. Umiiwas ba talaga si PNoy sa SAF 44. Sabi ni Sec. Coloma, walang tigil si PNoy sa pagkilala at pagbigay ng livelihood assistance at iba pang tulong sa mga naiwan ng SAF 44. Wala rin daw itong tigil sa pagkilala sa kanilang kabayanihan.
Kayat, ang taumbayan ay nag-iisip. Pulitika nga lang ba ito ni VP Binay o talagang inisnab o iniiwasan ng Pangulo?
Kung susuriin, tatlong insidente ang sentro ng diskusyon. Una, iyong pag-uwi ng mga nasawing sundalo sa Nichols Air base. Ikalawa, ang di pagbanggit sa huling SONA at ang ikatlo sa 114th PNP anniversary nitong nakaraang lingo.
Tatlong sitwasyon na ginagatasan nang husto ni Binay dahil alam ng kampo niya na ang SAF 44 ay malapit sa puso ng sambayanang Pilipino. Pasok na pasok nga naman sa batikos nitong “palpak at manhid” ang Daang Matuwid.
Dahil malapit na ang halalan at gusto ng administrasyon na mapahaba ang poder nito sa pamamagitan ni Interior Secretary Mar Roxas, kayat kailangang sagutin ito ngayon di lamang ni Roxas, kundi ng Liberal Party din.
‘Pag hindi ninyo ito masagot, tiyak na ibabasura kayo ng taumbayan.