Erap hindi tatakbong Presidente sa 2016: Ayoko naman pong labanan si Sen. Grace!

erap estrada

LOOKING good and strong pa rin si Manila Mayor and former President Joseph Estrada nang dumating sa “reunion” ng mga veteran stars ng Sampaguita Pictures noong Biyernes ng gabi.

Nagkita-kita ang mga beteranong local celebrities sa ipinatawag na pagtitipon ni Mayor Erap sa Sampaguita Gardens sa Valencia, Quezon City.

Bakas sa mukha ng mga ito ang katuwaan at excitement nang muli silang magkita-kita. Dumating sa nasabing “reunion” ang Movie Queen na si Ms. Gloria Romero, ang mga award-winning actress na sina Celia Rodriguez, Barbara Perez and husband Robert Arevalo, Delia Razon, Daisy Romualdez, ang mag-asawang Annabelle Rama at Eddie Gutierrez at marami pang iba.

Pero siyempre, ang talagang kinorner ng entertainment media ay si Erap para hingan ito ng komento sa mga paninirang ibinabato sa kanyang inaanak na si Sen. Grace Poe, lalo sa isyu ng pagiging lasengga diumano nito.

Ayon sa alkalde ng Maynila, naniniwala siyang politically-motivated ang mga malilisyosong balita tungkol sa anak ng kanyang kumpare na si Fernando Poe, Jr., dahil nga nangunguna ito sa mga survey ng possible presidential candidates sa 2016.

“That’s black propaganda. I’ve seen Grace, I know her since (she was) small. Hindi ganu’n yon. Social drinking, what’s wrong with that?” ani Erap.

Nauna nang itinanggi ni Sen. Grace na lasengga siya at lalong hindi raw niya minamaltrato ang kanyang mga kasambahay tulad ng akusasyon sa kanya ng ilang detractors.

“Hindi po ako nambubugbog. Ang konsensya ko po ay malinis. May mga kasama po ako rito. Pwede naman silang kausapin, ‘yung mga dati na…Kung mayroon man silang ilalabas, hindi ko talaga mainitindihan kung bakit nagkaroon ng issue na ganyan, pati sa pag-inom, pati sa pag-rehab,” pahayag ng senadora sa isang panayam.

Samantala, tiniyak ni Erap na hindi raw siya tatakbo sa pagkapangulo sa 2016 dahil hindi niya kayang labanan ang kanyang inaanak.

Hindi pa rin daw siya nagdedesisyon kung sino kina Grace Poe at Jojo Binay ang kanyang susuportahan sa presidential elections next year.

Kailangan daw muna niyang pakinggan ang plataporma ng lahat ng kakandidato sa 2016, kabilang na si Mar Roxas. Malapit na kaibigan ni Erap si Binay na naging running mate pa niya noong 2010 elections, habang naging close rin si Mar sa dating pangulo nang maging Industry secretary niya ito noon.

“Mar is a good man, he was one of my former Cabinet members. Binay, running mate ko. Kaibigan ko lahat sila,” pahayag ni Erap.

Samantala, aminado naman si Sen. Poe na mas na-miss niya ngayon ang amang si FPJ dahil sa mga isyung kinakaharap niya ngayon.

“Alam naman ng marami na independent minded ako at marami akong desisyon na ako lang ang nagpasya, nakaka-miss din na wala si FPJ.

Gusto ko rin naman ibahagi sa kanya kung ano man ang narating ko at saan ako naroroon,” anang senadora.

“‘Yung mga issues na binanabato nila noon sa tatay ko, parehong isyu rin iyon na itinatapon ng ilang kampo laban sa akin. Ano kaya ang sasabihin ni FPJ?” sey pa nito.

Sa darating na Aug. 20 ay 76th birthday ni Da King na lalo pang nagpa-miss sa senadora sa kanyang yumaong ama. True kaya ang chika na sa mismong kaarawan ng Hari ng Pelikulang Pilipino magdedeklara ang anak nito?

Read more...