NAGTALA si “Prince” Albert Pagara ng matinding first round knockout panalo laban kay Jesus Rios ng Mexico para mapanatili ang kanyang International Boxing Federation (IBF) junior featherweight title sa Dubai, United Arab Emirates kahapon.
Pinaulanan ng mga suntok ni Pagara si Rios bago tuluyang patumbahin ang Mexicano may dalawang minuto sa laban sa main bout ng Pinoy Pride 32: Duel in Dubai 2 na ginanap sa Dubai World Trade Center.
Ang kapatid niyang si Jason Pagara ay nagtala naman ng unanimous decision laban sa Mexicanong si Ramiro Alcaraz, 77-73, 76-74, 78-72.
Itinigil ang 10-round junior welterweight bout sa ikawalong round sa payo ni ring physician Dr. Nasser Cruz matapos ang headbutt na nagpadugo sa kaliwang kilay ni Jason.
Binawasan din ng puntos ang Mexicano sa unang round dahil sa aksidenteng headbutt na nagbukas ng sugat at sa ikaanim na round nang sumuntok pa ito matapos na tumunog ang bell.
Umangat si Jason sa 36-2, 22 knockouts record habang bumagsak si Alcaraz sa 15-5, 9 KOs kartada.
Tinalo naman ni Jimrex Jaca si Pablo Lugo Montiel ng Mexico sa pamamagitan ng unanimous decision, 78-73, 78-73 at 77-74.
Si Jaca, na nagawang makabangon buhat sa knockdown sa ikaapat na round, ay umangat sa 40-8-4, 22 KOs karta habang nahulog si Montiel sa 21-6, 17 KOs record.
Nakapagtala naman si Dubai-based Filipino Larry Abarra ng malupit na 54-segundong knockout panalo sa unang round laban kay Indonesian Tony Arema sa kanilang 122-pound fight, na nagsilbing pambungad na laban ng Pinoy Pride event dito.
Samantala, matapos ang kanyang first-round KO panalo nakalinya na ngayon si “Prince” Albert Pagara para mag-ensayo at manguna sa susunod na labang isasagawa ng ALA International Promotions sa Estados Unidos sa Oktubre 17.
Si ALA International Promotions president at CEO Michael Aldeguer mismo ang nagsabi nito sa mga sportswriters na kumober ng Pinoy Pride 32: Duel in Dubai 2.
Ang nakatatandang kapatid ni Albert na si Jason ay nakabinbin naman ang pagtungo sa Estados Unidos bunga ng tinamong malalim na sugat sa kaliwang kilay.