Umabot na sa P300,000 ang reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa pumatay sa miyembro ng Masculados Dos na si Ozu Ong na inilibing na nga kahapon.
Nauna nang nag-offer ng P100,000 reward ang Antipolo, Rizal para sa agarang pag-aresto sa killer ni Ozu o Marcelo Ong sa tunay na buhay.
Sumunod dito, nagbigay naman ang municipal government ng Angono, Rizal ng P50,000 habang P150,000 naman ang idinagdag ng pamilya at mga kaibigan ng biktima.
Kung matatandaan, walang awang binaril si Ong, 30, malapit sa kanilang bahay sa Primrose Hills Subdivision sa Angono ng hindi pa nakikilalang suspek.
Matapos barilin, tinangay pa ng mga suspek ang kanyang brand new Toyota Hilux (AAO 2272). Sa panayam sa kapatid ni Ozu, umiiyak na sinabi nitong hindi sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aktor.
Naniniwala rin sila na kakilala ni Ozu ang pumatay sa kanya.