PSL Beach Volley finals lalarga ngayon

MALALAMAN ngayon kung sino sa Gilligan’s at Foton Tornadoes ang kikilalaning kampeon sa paglarga ng championship round sa PLDT Home Ultera-Philippine SuperLiga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na handog ng Smart Live More.

Ang Sands By The Bay sa Mall of Asia sa Pasay City ang venue ng labanan na magsisimula sa ganap na alas-3:30 ng hapon.

Sina Danika Gendrauli at Norie Diaz ang kakatawan sa Gilligan’s habang sina Fiola Ceballos at Patty Orendain ang kakatawan sa Tornadoes at tiyak na magiging mahigpitan ang labanan sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Accel, Sands By The Bay, Senoh at Maynilad.

Ang Foton nga ay hindi pa nakakatikim ng pagkatalo sa liga upang mapaboran.

Sentro ng atensyon ay ang pagtutuos nina Gendrauli at Ceballos na magkaribal noong naglalaro pa sila sa Visayas.

“Iba na ang laro niya (Danika). Naghanda naman kami at tingnan na lang natin kung ano ang ipapakita nila,” wika ni Ceballos.

Gagawin din ang finals sa men’s division dakong alas-5:30 ng hapon at sina Jade Becaldo at Hachaliah Gilbuena ng SM By The Bay A ay haharapin sina Tippy Tipgos at Marjun Alingasa ng Champion Infinity B.

Bago ito ay matutunghayan muna ang mga classification matches mula sa seventh hanggang third place na magsisimula sa ganap na alas-10 ng umaga.

Read more...