KINUHA ng Emilio Aguinaldo College ang kauna-unahang malaking upset sa 91st NCAA men’s basketball nang pabagsakin ang number one team na Letran, 83-69, kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagdomina sa ilalim ang import na si Laminoou Hamadou sa kinolektang 20 puntos at 24 rebounds kasabay sa nakuhang suporta mula kina Jorem Morada at Sidney Onwubere na parehong tumapos bitbit ang tig-18 puntos.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Generals kasabay ng pagputol sa pitong dikit na tagumpay ng Knights para matiyak na may magaganap na Final Four.
“I just told them that if we play double hard, we’ll never make it against Letran. We have to make it triple hard. I’m just happy for the players,” wika ni EAC coach Andy De Guzman.
Sina Kevin Racal, Mark Cruz at Rey Nambatac ay mayroong 18, 16 at 11 puntos para sa Knights na hndi nakasama ang coach na si Aldrin Ayo dahil suspindido matapos maghagis ng silya sa laro laban sa Lyceum.
Nagparamdam agad ang Generals sa first period nang hawakan ang 18-13 kalamangan pero lumabas na ang laro ng Knights maging ang kinatatakutang depensa para hawakan ang 38-28 bentahe sa halftime.
Ngunit hindi natinag ang Generals at ipinakita na maging sila ay may matibay na depensa para limitahan ang Knights sa 14 puntos para sa 52-50 bentahe.
Hindi na napigil pa ang panalo ng EAC dahil may 12 sa yugto si Morada, kasama ang four-point play para ilayo ang koponan sa 13, 73-60.
Hindi naman natulad ang Mapua sa kapalaran ng Letran dahil lumabas agad ang intensidad ng Cardinals sa pagsisimula ng laro tungo sa 76-64 panalo sa St. Benilde.
Nakisalo ang Cardinals sa Arellano University at Jose Rizal University sa 4-3 karta at nangyari ito kahit wala si coach Fortunato Co na suspindido dahil sa dalawang technical fouls sa naipanalong laro kontra sa Lyceum.
Bumuhos si Michael Calisaan ng career-high 35 puntos para sa 77-70 panalo ng San Sebastian sa Lyceum sa unang laro.