HANDA na ang St. Dominic Savio College na maibalik ang dating kinang ngayon na sila uli ang host sa Universities, Colleges and Schools Athletic Association (UCSAA).
Ito na ang ikalimang edisyon ng collegiate meet na lalahukan ng limang paaralan at ang St. Dominic Savio College ang siyang tatayong host sa season na magbubukas sa Ynares Sports Arena sa Pasig City sa Agosto 15.
“Noong 2011 ay kami rin ang host ang kami ang inaugural champion ng UCSAA. Kaya ngayong host uli kami at balak namin na ulitin ang nangyari apat na taon na ang nakakaraan,” wika ni coach Monel Kallos sa paglulunsad ng liga noong Miyerkules sa Aberdeen Court sa Quezon City.
Ito na ang ikatlong taon na magkakasama ang mga manlalaro ng paaralan at ang karanasan na nakuha sa mga nakalipas na taon ay inaasahang lalabas ngayon.
Ang Colegio de San Lorenzo ang siyang team to beat sa liga matapos magtala ng tatlong sunod na kampeonato pero tiwala ang host school sa kakayahang agawin ang kampeonato.
“Sa isang preseason tournament ay kami ang naglaban at kahit natalo kami ay dikitan ang labanan,” dagdag ni Kallos na aasa sa galing nina Danny Marilao, Lennon Lituania at Junrey Dumas.
“Para mapaghandaan ang season ay nagsagawa kami ng mga tune-up games laban sa mga UAAP teams at ibang collegiate teams. Naniniwala ako na ginawa namin ang dapat gawin para mapaghandaan ang liga,” pahayag ni sports head Marion Dela Cruz.
Ang iba pang kasaling koponan ay ang De La Salle-Araneta University, University of Makati at Pasig Catholic College na pumangalawa noong 2014.
Bukod sa basketball, lalaruin din ang volleyball, table tennis, badminton, chess at taekwondo sa season na ito.