MATAPOS pumalpak noong Miyerkules, nakapaghain na rin ng petisyon ang isang talunang kandidato sa pagkasenador para mapatalsik si Sen. Grace Poe sa pagsasabing siya ay hindi isang natural-born Filipino.
Nagsampa si Rizalito David ng quo warranto laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal matapos namang makapagbayad ng P50,000 filing fee.
Dumakbo si David noong 2010 at 2013 elections sa ilalim ng Ang Kapatiran party.
Hindi tinanggap ng SET ang petisyon ni David noong Miyerkules matapos namang hindi makapagbayad ng P50,000 filing fee.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni David na hindi maaaring manatili si Poe sa Senado dahil umano siya ay isang “foundling.”
Ito ay nangangahulugan na hindi isang “natural-born citizen” si Poe na isang itinatadhana ng Konstitusyon para sa mga senador.
Inabandona si Poe sa simbahan ng Jaro, Iloilo bago siya inampon ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ) at aktres na si Susan Roces.
“Being a foundling, her parents are not known and cannot be presumed as Filipino citizens, hence she cannot claim or acquire the status of a natural-born citizen,” sabi ni David.
Idinagdag pa ni David na naging American citizen si Poe noong 2001 at muling tinanggap ang Filipino citizenship noong 2006 matapos ang pagkamatay ni FPJ.
“It should be emphasized that (Poe) was a foundling when she was adopted She had no known biological parents, having been allegedly found in a church in Jaro, Iloilo, and was allegedly taken by a rich woman and later on ended up in the hands of the Poe couple,” dagdag David.
Inamin naman ni David na nakikipag-ugnayan siya kay dating Negros Oriental Representative Jacinto Paras para matanggal si Poe sa Senado.