Babagsak ang ratings ng GMA

NANG mapabalita na hindi matagumpay ang pakikipag-usap ni Ramon S. Ang, president and chief executive officer ng San Miguel Corp. (SMC) sa mga opisyal ng GMA network, inakala niya na ibabalik sa kanya ang P1 billion na downpayment sa broadcasting giant.

Umatras ang GMA sa pakikipag-usap kay RSA na popondohan niya ng napakalaking halaga ang network upang siya ang magiging major stockholder nito.

“Sir, mga disenteng tao sila. Isosoli nila ang pera,” sinabi ni RSA sa columnist na ito nang sabihin ko sa kanya na may mga reports na ang P1 billion ay di na niya mababawi.

(Si Ang—RSA sa kanyang mga kaibigan at immediate subordinate—ay masyadong magalang at tinatawag niya ang sino man ng “sir” o “ma’am”).

Mukha yatang nagkamali si RSA sa pagtantiya sa integridad ng mga opisyal ng GMA na kinausap niya sa negosyo.

Kung di isosoli ng GMA executive officer na si Felipe L. Gozon, mga miyembro ng kanyang pamilya at ibang stockholders ng broadcast giant ang P1 billion, mababawasan ng malaki ang kredibilidad nito.

Di bale nang sinampahan sila ni RSA ng syndicated estafa na isang non-bailable offense.

Dahil sa impluwensiya ng mga opisyal ng giant network, maaaring mapapababa nila ang kaso sa estafa na puwedeng makapagpiyansa.

Pero mababawasan ang kanilang integridad at, siyempre, ang kanilang kredibilidad dahil ang estafa ay isang kaso na ang kaakibat ay moral turpitude o kababaan ng pagkatao.

Kung ang estafa case ay magpapatuloy at palaging nasa news, babagsak ang ratings ng GMA sa battle of the networks kung saan ang ABS-CBN ay nangunguna.

Maaaring magpapalit ang GMA at TV5 ng puwesto: Aakyat ang TV5 sa No. 2 at ang GMA ay magiging No. 3. Sa kasalukuyan, kulelat ang TV5 sa mga ratings.

Nag-umpisa na ang political season nang inendorso ni Pangulong Noynoy noong Biyernes si Interior Secretary Mar Roxas na pumalit sa kanya.

Makakalaban ni Roxas sina Vice President Jojo Binay at Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rody Duterte sa labanan sa pagka-Pangulo sa darating na taon.

Hindi panahon ng mangga, na itinuturing nating isa sa mga pambansang prutas, pero kapag inihambing natin ang mga presidential candidates sa mangga:

–Si Roxas ay masyadong maasim dahil hindi siya gusto ng masa, na pinakamarami ang mga botante.

–Si Poe ay bagong mangga at galing lang sa pagiging bubot. Kailangan pa nito na maging full-grown para mahinog.

–Si Binay ay sobra sa pagiging hinog at bulok na. Sino naman ang kakain sa bulok na mangga kundi ang mga insekto?

–Si Duterte ang maituturing na nahinog na sa tamang panahon at puwede nang kainin.

Dahil pinahayag na ni Sen. Grace Poe ang kanyang intensiyon na tumakbo sa 2016, ang kanyang pagkatao ay isinasailalim sa microscope.

Ayon sa entertainment columnist na si Ervin Santiago ng Bandera, may mga reports sa social media na nagsasabing ang neophyte senator daw ay lasenggera at nagmamaltrato ng mga katulong sa bahay.

Sinabi ni Santiago, quoting social media reports, na napasa-ilalim si Poe sa drug rehab noong araw.

Of course, karamihan sa mga entertainment columnists ay mga bading na eksaherado kung minsan ang kanilang reports.

Pero sinulat lang ni Santiago ang mga reports na kanyang nakalap sa social media.

Dapat ay huwag ipagwalang bahala ni Poe ang reports.

After all, may kasabihan na kung may usok ay may apoy.

Read more...