Ayan, talagang ramdam na ramdam na nga ang election fever. May lagnat na ang bayan sa darating na halalan. Sa Oktubre pa magsusumite ng kandidatura ang mga tatakbong pulitiko pero ngayon pa lang ay laganap na ang pagsisiraan ng magkakakontrang kampo.
At dahil itinaas na ni P-Noy ang kanang kamay ni DILG Secretary Mar Roxas bilang opisyal na kandidato ng Liberal Party sa panguluhan ay ang kanyang misis nang si Korina Sanchez ang inaasinta ngayon ng kanyang mga kalaban.
2001 pa nangyari ang pag-akusa sa matapang na news anchor tungkol sa pangmamaltrato sa kanyang kasambahay na si Bernardita Inocencio, kumbaga ay labing-apat na taon nang nalilibing ang bangkay, pero nabuhay na naman ang kuwento.
Talagang muling bubuhayin ng kanilang mga kalaban ang isyu, kahit pa nang dinggin sa piskalya ang reklamo ay nabasura ang reklamo, dahil nga tatakbo sa panguluhan si Secretary Mar.
At si Korina lang ba? Hindi ba’t pati si Senador Grace Poe Llamanzares ay iginagawa na rin ng mga kuwento ngayon tunkgol sa kanyang pagiging palamura, malupit daw sa kanyang mga kasambahay, at ang pinakamatindi pa ay minsan na raw sumailalim sa proseso ng rehabilitation ang senadorang napipisil ng partido Liberal para makahawak-kamay sa entablado ni Secretary Mar.
Napakatindi ng pulitika ngayon sa bayan ni Juan. Hindi pa man nagsisimula ang kampanya ay laganap na ang siraan, matira ang matibay, kagatan na nang kagatan ang mga nag-aagawan sa mataas na posisyon.