Dear Aksyon Line
May tanong po ako re-salary and tax deduction:
Na-hire po ako na driver sa isang planta sa Cavite, under agency, on May 1, 2012. Ang salary ay P420/day with tax deduction.
The following day ay inilipat po ako ng agency sa sister company ng client sa Makati City with the same salary (P420/day with tax deduction). Pero ang minimum salary sa NCR ay P481.
Many times ko na po tinanong sa bawat coordinating ng agency na ma-assign sa amin ang status ng salary ko, pero no reply. Three years na po ako dito.
1. May habol po ba ako na makuha ‘yung mga ibinigay na increase ng gobyerno na hindi nila naibigay?
2. Mahabol ko po ba ‘yung mga tax deduction sa akin for three years?
3. Ano po ang dapat kong gawin?
Sana po ay matulungan ninyo ako. Maraming salamat po. More power and God Bless!
Jing Samaniego
Binan, Laguna
Para sa iyong katanungan Gg. Samaniego. Ang bagong minimum wage ay P461 at dagdag na P15 na Cost of Living Allowance (COLA) kaya sa kabuuan ay umaabot ito sa P481 daily minimum wage sa NCR.
Maaari mong kausapin ang inyong HRD o Human Resources Department kung bakit kulang ang ibinibigay sa iyo para sa minimum na sweldo.
Dapat din ay hindi ka kinakaltasan ng withholding tax dahil salig sa batas na ang mga sumusweldo ng minimum wage ay hindi dapat kaltasan ng withholding tax. Maaari mo ring kausapin ang inyong HRD patungkol dito.
Salig na rin sa RA 9504, pinagkakalooban ng dagdag na tax relief ang sinumang indibidwal na kung saan exempted sa withholding tax ang mga minimum wage earners sa private at public sector.
Ang kakulangan sa iyong sweldo at tax deduction ay maaaring ibalik ng inyong kumpanya.
Ngunit sakali naman na hindi tumalima ang inyong kumpanya ay maaari kang magreklamo sa pinakamalapit na regional office ng DOLE sa kanilang Single Entry Approach o SENA ng DOLE na kung saan dumadaan sa 30-day conciliation-mediation ang nakahaing labor cases.
Dir. Nicon
Fameronag
DOLE Director For Communications /Spokesperson
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.