Bagong food poisoning incident: 29 naospital dahil sa ‘pancit malabon’

LIGAO CITY –  Tinatayang 29 katao ang isinugod sa ospital kaninang umaga dahil sa panibagong insidente ng food poisoning na nakain nila sa isang birthday party nitong Lunes.

Ayon kay Dr. Nathaniel Rempillo, Albay provincial health officer, posibleng ang nakain nilang “pancit malabon” na handa sa party ang nakasira ng tiyan ng mga biktima.

Dumalo sa birthday party ang mga biktima sa barangay Tuburan hapon ng Lunes.

Martes ng umaga nang isa-isang sumakit ang tiyan, nahilo, nagsuka at nagtae ang mga biktima, kayat isinugod sa  Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital.

 

Ayon kay Dr. Wynns Samar, Ligao city health officer, sa isang hiwalay na interview, na dinala ang pancit malabon ng isang pamilya na dumalo rin sa party.  Nabili umano ito sa isang tindahan sa syudad.

Kinuha na rin nila ang sample ng pansit at dinala sa regional office ng Department of Health para masuri.

Pansamantalang isinara ang tindahan sa barangay Calzada.

Read more...