Anak ni Sylvia Sanchez pasok sa Ningning; wala raw palakasan

By Reggee Bonoan August 04,2015
share this

Anak ni Sylvia Sanchez pasok sa Ningning; wala raw palakasan

By Reggee Bonoan August 04,2015
share this

sylvia sanchez

HINDI na napigilan ng mag-asawang Art Atayde at Sylvia Sanchez ang pagpasok sa showbiz ng ikalawa nilang anak na si Ria Atayde. Napapanood na ito sa seryeng Ningning bilang titser ni Jana Agoncillo.

Yes bossing Ervin, finally natupad na ang matagal nang pangarap ni Ria dahil bata palang ito ay gustung-gusto na niyang mag-artista, pero hindi siya pinapayagan ng magulang dahil kailangan tapusin muna nito ang kanyang pag-aaral.

Inamin mismo ng ina ni Ria na 6 years old palang ang anak ay gusto na nitong mag-showbiz.
“Dinadala ko na kasi siya noong bata pa siya sa taping at shooting ko, hindi ko naman alam na kapag nasa harap siya ng salamin ay umaarte na at ginagaya ako,” panimulang kuwento ni Ibyang.

“Wala, maski na anong pigil namin, talagang showbiz ang gusto at wala na rin ka- ming masabi kasi sinunod niya lahat ng bilin namin, at tapos na rin siya sa pag-aaral,” dagdag ng aktres.

In fairness, tinapos muna ni Ria ang kursong Bachelor of Arts in Communication sa De La Salle University at habang nag-aaral ay naging aktibo siya sa mga activities sa school nila.

Kaya naman nang magtapos ng kolehiyo ang dalaga ay kaagad siyang ipinadala sa Spain para muling mag-aral ng Spanish language bilang paghahanda sa negosyong papasukin nito na pag-aari mismo ng pamilya Atayde.

Pagkatapos nito ay pinadiretso siya ng daddy Art niya sa Amerika para magbakasyon para pagbalik ng Pilipinas ay handa na itong magtrabaho.

Pero hindi pala ganu’n ang nangyari dahil ang matagal ng pangarap ni Ria na pumasok sa showbiz ay hindi pa rin nawawala, kaya hayun, dumaan sa kaliwa’t kanang audition ang dalaga.

Inamin ni Ibyang na, “Nag-audition siya noon pa sa Dream Dad, ‘yung papel ni Beauty Gonzales sana. E, kaso nu’ng look test na nila ni Zanjoe (Marudo), hindi bagay, mukha silang magkapatid, magkuya kaya hindi siya nakapasok at si Beauty ang nakuha.”

Hanggang sa mangailangan nga sa Ningning ng gaganap na titser si Jana, kailangan daw ay La Salle graduate, anak mayaman at sosyal pero mas pipiliing magturo sa paaralan ng mahihirap.

Sabi ni Ibyang, “Nag swak ‘yung role kay Ria kasi siyang-siya, anak mayaman, sosyal, Inglesera kaya hayun, dumaan siya sa audition, marami silang in-audition at siya ang napili kasi sakto raw.”

Kaya ang sabi ni Sylvia, malinaw na hindi idinaan sa palakasan ang pagpasok ng anak sa serye dahil nga kasama rin siya rito bilang lola ni Ningning.

Nakatatlong taping days na ang dalaga at nataon na may sakit pa, pero hindi niya ito ininda bagkus ay pinilit pa ring humarap sa TV camera at umokey naman daw ang first acting job nito.

“Nauulit lang ang eksena kasi medyo bulol si Ria sa Tagalog at slang nga kasi Inglesera, pero nakuha na niya kaagad nang pinaulit sa kanya,” pambubuking ni Ibyang sa anak.

At ang reaksyon daw ng papa Art nito, pati na rin ng kanyang lolo at lola, “Hayun, natuwa si Art, masaya naman para sa anak, wala na raw siyang magagawa pa tutal sinunod naman daw siyang magtapos muna ng pag-aa- ral.

“Si Mamita (lola), siyempre proud na proud sa apo, si Papito (lolo), makikita mong natuwa, pero sabi niya, ‘wala nang magmamana sa akin (negosyante).”

Akala namin ay sina Arjo at Ria lang ang may gustong pasukin ang showbiz, biglang nagdayalog daw ang ikatlong anak niyang si Gela ng, “Naku, malayo pa ako, nasa grade 8 palang ako, di bale magpapapayat na ako.”

Ha-hahaha! Ang lakas ng dugo ni Sylvia dahil lahat ng anak gustong mag-showbiz, pati ‘yung bunsong si Xabi ay nagpapakita na rin ng sensyales na gustong maging action star.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending