TINUKOY kahapon ni Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin ang 16 PBA players na bubuo sa national pool na magsasanay para sa 2015 FIBA Asia Men’s Championship sa Changsa, China.
Kasama sa talaan ang mga dating Gilas players pero alanganing sumama sa bubuuing koponan na sina back-to-back PBA MVP na 6-foot-10 center June Mar Fajardo, Marc Pingris at LA Tenorio.
Sina Fajardo at Tenorio ay may mga injuries at si Pingris ay magbabakasyon kasama ang pamilya sa ibang bansa.
Mangunguna sa 13 malulusog na players ang hinirang na best guard sa 2013 FIBA Asia sa Pilipinas na si Jayson Castro.
Makakasama ni Castro na magbabalik sa pambansang koponan sina Ranidel de Ocampo, Gary David at Gabe Norwood at inaasahang mas mahusay na sila kung paglalaro sa international play ang pag-uuusapan dahil beterano rin sila ng FIBA World Cup noong nakaraang taon.
Ang iba pang PBA players na isinama ay sina Kelly Williams, Matt Ganuelas-Rosser, Asi Taulava, Terrence Romeo, Aldrech Ramos, JC Intal, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva.
Ibinigay na ang talaan na ito sa PBA para pormal na hingiin ang pahintulot para masama sa pool.
Tulad ng inaasahan, nagdomina ang mga manlalaro mula sa koponang pag-aari ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president at negosyanteng si Manny V. Pangilinan na Talk ‘N Text Tropang Texters, Meralco Bolts at NLEX Road Warriors.
Sina Castro, De Ocampo, Ganuelas-Rosser at Williams ay naglalaro sa Talk ‘N Text, sina Taulava at Ramos ay manlalaro ng NLEX at si David ay kamador ng Meralco.
Sina Abueva, Thoss at Hontiveros ay mula sa Alaska Aces, si Romeo ay galing sa Globalport Batang Pier, si Intal ay mula sa Barako Bull Energy at si Norwood ay galing sa Rain or Shine Elasto Painters.
Sina Williams, Taulava, Hontiveros at Ramos ay dating nasama sa pambansang koponan na hinawakan ni Serbian coach Rajko Toroman.
Ang naturalized player na si 6-foot-11 Andray Blatche ay dumating para samahan ang ibang kakampi sa dalawang buwan na pagsasanay.
Ang dating Gilas guard na si Jimmy Alapag na nagretiro na at kinuhang isa sa mga assistant coaches ni Baldwin ay makikipag-ensayo rin dahil may posibilidad na isabak uli siya sa aksyon lalo pa’t mahina ang guard spot sa pagkawala ni Tenorio.
Kagabi nagsanay na ang pool at kabilang sa gagawing paghahanda ay ang pagbiyahe sa Europe para sa training at competition at ang paglahok sa MVP Cup na kukumpletuhin ng mga dayuhang bansa na sasali rin sa FIBA Asia Men’s Championship.
Mahalaga ang mapanalunan ang FIBA Asia Championship na gagawin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 dahil ang tatanghaling kampeon ay papasok na sa Rio Olympics sa 2016.
Ang papangalawa at papangatlo sa kompetisyon ay sasali sa World qualifying sa 2016 para mapabilang sa mga maglalaro sa Olympics.
Bagamat maraming bago sa koponan, marami ang naniniwala na malakas ang mabubuong national team dahil na rin kay Blatche na nakita ang kakayahang magdomina nang nakasama siya sa 2014 FIBA World Cup.