Sukdulang pang-aapi

SA 24 taon na pagtulong ko sa mga inaapi sa pamamagitan ng aking public service program, “Isumbong mo kay Tulfo,” ang pang-aapi na dinanas ng mag-asawang retired SPO1 Cristobal Manrique at Josie ay abot sa langit sa pagiging sukdulan.

Ang mapait nilang karanasan ay nag-umpisa noong 2005 nang madiskubre ni Manrique at ng kanyang kasamang pulis na si PO2 Narciso Calong na ang kanilang finance officer, si Insp. James Bunda, ay nandedekwat sa kanilang suweldo sa pamamagitan ng illegal deductions.

Sina Manrique, Calong at Bunda ay nakatalaga noon sa Biliran Police Provincial Office sa bayan ng Naval.

Maraming buwan din ang pandedekwat diumano ni Bunda sa kanila bago nila ito nadiskubre.

Ang perang nanakaw diumano sa kanila ni Bunda ay P400,000—P250,000 kay Manrique at P150,000 kay Calong.

Sinampahan nila ng kasong grave misconduct si Bunda sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) sa Camp Crame .

May ilan pang pulis na ninanakawan diumano ni Bunda, pero di na sila nagreklamo dahil daw inareglo na sila ng opisyal ng pulisya.

Malakas ang kasong isinampa nina Manrique at Calong laban kay Bunda dahil marami silang nakalap na ebidensiya.

Natakot si Bunda na baka siya matiwalag sa serbisyo kaya’t nagyaya siyang makipag-ayos sa dalawang complainants.

Magtatagpo sila sa restoran ng Marvin’s Place hotel, isa sa kaunting hotel sa maliit na bayan ng Naval.

Doon daw sila babayaran ni Bunda sa perang nakuha sa kanila.

Dahil sa tuwa na makakakuha sila ng malaking halaga, dinala pa ni Manrique ang kanyang asawang si Josie, at si Calong naman ang kanyang maybahay na si Elena.

Pero ang kanilang tuwa ay nauwi sa dalamhati.

Habang inaabot ni Bunda ang pera sa kanila, inaresto sila ng mga ahente ng National Bureau of Investigation o NBI.

Dinala sila sa NBI headquarters sa Tacloban City kung saan sila ay sinampahan ng robbery-extortion base sa reklamo sa kanila ni Bunda.

Binaligtad na sila ni Bunda. Sila pa ngayon ang nagi-extort sa kanya!

Kung extortion man ang pakay nila kay Bunda, bakit pa dinala nina Manrique at Calong ang kani-kanilang asawa?

Kinulong silang apat—si Cristobal at Josie at Narciso at Elena—sa Biliran Provincial Jail ng 11 buwan.

Pinakawalan sila ni Judge Enrique Asis ng Naval Regional Trial Court (basbasan ang kanyang ginawa!).

In those 11 months they were in jail, hindi nagsampa ng kasong kriminal si Provincial Prosecutor Gary Cruz sa kanila!

Yan ang dahilan kung bakit sila pinakawalan ni Judge Asis.

Ang kasong administratibo na isinampa ni Bunda kina Manrique at Calong ay dinismis ng Office of the Ombudsman.

Dahil sa acquittal sa kanila ng Ombudsman noong 2006, nabalik sa serbisyo ang dalawang pobreng pulis.

Nagretiro si Manrique noong 2009 samantalang si Calong ay namatay dahil sa sakit.

Humingi ng tulong si Manrique sa inyong lingkod dahil ayaw siyang bigyan ng Ombudsman ng clearance for retirement dahil siya’y may pending case.

Nang tanungin si Prosecutor Cruz ng Ombudsman ang estado ng kaso ni Manrique, nabigla ang piskal dahil hindi niya isinampa ang kaso sa matagal na panahon.

Kaya’t noong June 25, 2015, matapos na naglimlim ang kaso nina Manrique sa tanggapan ni Piskal Cruz 11 long years, isinampa ng magaling na piskal ang kaso sa korte!

Ang piyansa ay P100,000 bawa’t isa sa kanilang mag-asawa.

Tumakbo sa Maynila ang mag-asawa upang humingi ng tulong sa akin dahil wala silang perang ipagpiyansa.

Nanghiram sila ng pera sa mga kaibigan upang makarating sa akin sa Maynila.

“Mahirap makulong, sir. Naranasan na naming makulong ng 11 buwan,” ani Josie Manrique.

Tulungan naman nating makapagpiyansa sina Cristobal at Josie Manrique!

Read more...