Mga pari tuwang-tuwa kay Dingdong

dingdong dantes

MARAMING pari ang nagpapasalamat sa GMA dahil sa pagpapalabas ng isang teleserye na tumutulong sa Simbahan para sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos.

Sa katunayan, ilan sa mga eksena mula sa seryeng Pari ‘Koy ng Kapuso network ay ginagamit ng ilang pari sa kanilang mga misa.

Kaya naman tuwang-tuwa ang buong production ng programa lalo na ang bidang si Dingdong Dantes dahil sa tagumpay ng kanilang serye.

Sabi nga ng Kapuso Primetime King, napakasarap sa pakiramdam kapag nakakarinig sila ng magagandang komento mula sa mga kaibigan nilang pari, pati na rin sa mga magulang na nagpapasalamat sa kanila dahil nga sa napakagandang adhikain ng Pari ‘Koy.

Umaasa si Dingdong at ang iba pa niyang kasama sa show na mas marami pa silang ma-inspire at mapasaya at nangako itong mas pagbubutihin pa nila ang kanilang trabaho para mapaganda pang lalo ang faith serye ng GMA.

Tuluy-tuloy pa rin gabi-gabi ang pagbabahagi ng Pari ‘Koy sa mga manonood ng mga mabubuting aral mula sa direksiyon ni Maryo J. delos Reyes kasama ang magagaling at respetadong Kapuso stars.

Ngayong gabi, narito ang kailangan n’yong abangan sa pagpapatuloy ng kuwento ni Father Kokoy at ni Pinggoy. Nasa bahay ang magkapatid na Sam (Hiro Peralta) at Kokoy (Dingdong) nang bumisita si Leila (Andrea Torres) kay Manuel (Spanky Manikan).

Nagulat na lamang ang magkapatid nang magpakilala si Leila bilang girlfriend ng kanilang ama.
Balik-selda naman si Kap Jude (Gabby Eigenmann) matapos magmasid sa libing ni Michelle (Carla Abellana) dahil may napakiusapang pulis.

Dinalaw ni Leila si Manuel sa bahay nito dahil hindi na raw siya pinupuntahan at tinatawagan. Gulat pa ang magkapatid dahil sa batang girlfriend ng kanilang ama.

Naisip ni Sam na pera lamang ang habol nito. Gusto ni Noemi (Sunshine Dizon) na kalimutan na nila ni Sarah (Jillian Ward) si Simon (Carlo Gonzalez) dahil sa pagtalikod nito sa kanilang mag-ina.

Ngunit ang hindi nila alam ay nagbalik na si Simon at desidido nang magbago at ipaglaban sila.
Ayon sa katiwala nnla Kokoy, sa Sanctuary daw nagtatrabaho si Leila at matagal ng girlfriend ng kanilang amang si Manuel.

Ang Sanctuary palang sinasabi ni Manang ay isang night club na natuklasan ni Sam. Masosorpresa sina Noemi at Sarah nang biglang dumating si Simon pero panunumbat ang gagawin ni Noemi sa nagbalik na asawa at hindi na niya ito tatanggapin sa bahay.

Maayos ang pakikitungo ni Leila kay Manuel at makikita iyon ni Kokoy. Samantala pagdating ni Sam sa bahay ay ipapahiya niya si Leila dahil sa natuklasan na isa pala siyang agogo dancer.

Magkakadiskusyunan ang mag-ama pero malalaman ni Sam na alam ng kanyang ama ang pinaggalingan nito. Magwo-walk out na lamang si Leila.

Sa permiso ni Manuel, susundan ni Kokoy si Leila at magugulat ito nang makita niya si Leila sa bar na sumasayaw sa harap ng maraming customer.

Read more...