BINANATAN ni Vice President Jejomar Binay ang umano’y palpak at manhid na liderato ni Pangulong Aquino matapos ang kanyang isinagawang True State of the Nation Address (TSONA) sa Indang, Cavite.
Binatikos ni Binay ang pagtugon ni Aquino sa mga kalamidad at krisis na naranasan sa bansa.
“Buhay pa naman kayo, hindi ba?” sabi ni Binay kaugnay ng pagtugon ni Aquino sa mga trahedya sa bansa.
Kabilang sa binanggit ni Binay na kapalpakan ni Aquino ay ang Quirino Grandstand hostage-taking crisis, ang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF), Zamboanga siege at ang mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
Inisa-isa rin ni Binay ang mga anomalyang kinasasangkutan ng administrasyon, kabilang na ang Metro Rail Transit (MRT) at Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Napakahabang pila, sirang escalator at mabahong kubeta, konti at siksikang bagon,” sabi ni Binay kaugnay ng palpak na serbisyo ng MRT.
Ayon kay Binay, mula sa 20 tren, pito na lamang ang bumibiyaheng tren ng MRT.
“Nakuha pa ng MRT magtaas ng pamasahe,” dagdag pa ni Binay.
Kinuwestiyon din niya ang kasalukuyang maintenance provider ng MRT.
“Sino ang nasa likod nito? Ang mga kaalyado at kapartido ng kasalukuyang secretary ng DOTC,” ayon pa kay Binay.
Binanggit din ni Binay ang pagkakasangkot umano sa pangingikil ng mga opisyal ng MRT, matapos naman ang alegasyon ni dating Czech Ambassador to the Philippines Josef Rychtar.
Tinawag naman ni Binay si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad bilang “budget scam mastermind” kaugnay ng kontrobersiya sa DAP.
“Kung nangyari sa nakaraang administrasyon, siguradong hihiyaw na sila na dapat usigin at ipakulong ang pasimuno. Ngunit sa Daang Matuwid, iba ang trato sa kalaban sa pulitika, sa kapartido at kaalyado. Wika nga ng paboritong blogger ng administrasyon, ‘I’ve got your back,’ kaya naman untouchable and budget scam mastermind ng administrasyon,” sabi ni Binay.
Binatikos din ni Binay si Interior Secretary Mar Roxas sa pagsasabing hindi naman niya naranasan kung paano ang maghirap.
“Hindi makakamit ang ginhawa sa daang matuwid na manhid at palpak naman. Lalong magiging mailap ang maginhawang buhay lalo na kapag bibigyan pa ng anim na taon ang administrasyon,” ayon pa kay Binay.
“Patuloy na maghihirap ang masang Pilipino kapag ang namumuno ay ni minsan sa buhay, hindi nila naranasan ang magutom at mahiga sa matigas na sahig,” dagdag ni Binay.
Kasabay nito, pinaringgan din ni Binay si Aquino matapos mabigong pasalamatan ang SAF44 sa kanyang SONA.
Aniya, mas ginusto pa ni Aquino na pasalamatan ang kanyang hair stylist kaysa bigyang pugay ang SAF44.
Sa kanyang pagtatapos, inisa-isang pasalamatan ni Binay ang SAF 44.
“Sila ang mga kasapi ng SAF na lumaban…Nagpapasalamat at sumasaludo ang bayan sa inyo,” pagtatapos ni Binay.