Gilas pool malalaman ngayon

IAANUNSYO ngayon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas pool at gagawin nito ang lahat para makumbinsi ang mga nasa orihinal na listahan na maglaro para sa bansa.

Meron na si Gilas coach Tab Baldwin ng naunang listahan ng 26 manlalaro na kanyang napipisil na makasama sa pool subalit ang ilan sa mga mahuhusay na manlalaro sa nasabing lineup ay umayaw sa iba’t ibang kadahilanan.

Ayon sa isang SBP insider na ayaw magpakilala hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang asosasyon at si Baldwin na ang mga manlalarong napisil nito kabilang na sina two-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel Beer at Paul Lee ng Rain or Shine ay hindi magbabago ng isip.

Ang pag-anunsyo sa Gilas pool ay mangyayari isang araw matapos na bumalik si naturalized player Andray Blatche sa Maynila.

Si Blatche, isang dating manlalaro ng Brooklyn Nets sa NBA, ay lumipad papunta ng Maynila kagabi at inaasahan na agad mag-eensayo kasama ang mga pinangalanang manlalaro na kabilang sa pool. Ito ang ikalawang malaking torneo ni Blatche para sa Philippine team matapos na maglaro sa FIBA World Cup noong isang taon sa Spain.

Ang 6-foot-10 sentro na si Fajardo, na may iniindang pananakit sa kanyang mga paa, at Lee kasama sina SMB swingman Marcio Lassiter, Star forward Marc Pingris at Barangay Ginebra guard LA Tenorio ay ilan sa mga manlalarong napili subalit umayaw na mapabilang sa pool.

Ang isa pang manlalaro ng Barangay Ginebra na si Japeth Aguilar ay nag-abiso na hindi siya makakasama sa pool matapos magpaopera sa kaliwang paa.

Sina Lee at Lassiter ay kasalukuyang nasa Estados Unidos para makapiling ang kanilang maysakit na ina habang si Tenorio, ang tinanghal na MVP nang magwagi ang Gilas sa Jones Cup noong 2012 sa ilalim ni Chot Reyes, ay binanggit ang pagod at pagiging wala sa kondisyon.

Nagkukumahog naman ngayon si Baldwin para makabuo ng kumpetitibong koponan para sa 2015 FIBA Asia Championship na gaganapin sa Setyembre 23-Oktubre 5 sa Changsha, China.

Ang torneo ay maglalaan ng isang puwesto mula sa Asya para sa 2016 Summer Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil kaya naman desidido ang Pilipinas na makabuo ng isang mahusay na lineup kung kinakailangan.

Read more...