IPINAKITA ng world champion NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates ang kahandaan na mapanatili ang titulo nang pagharian ang 2015 FIBA 3×3 World Tour Manila Masters sa pamamagitan ng 21-14 panalo laban sa Manila North sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon sa Robinsons Place sa Ermita, Manila.
Tatlong laro ang hinarap ng NoviSad kahapon at tulad sa naipakita sa Pool elimination ay naroroon ang galing sa pagbuslo upang walang talo silang naging kampeon sa palarong inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at suportado ng Smart, PLDT, Maynilad, MVP Sports Foundation at Wilson.
Sinikap nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Karl Dehesa at Troy Rosario na maging pisikal sa mga bisita na sa una ay inalmahan ang aksyong ito.
Pero kinalaunan ay ginamit ng NoviSad ang kanilang karanasan at galing sa pagbuslo sa labas at free throw line sa pangunguna ni Dejan Majstorovic para biguin ang local team sa hangaring mapanatili sa bansa ang kampeonato.
Halagang $10,000 ang premyo ng NoviSad AlWahda bukod sa puwesto sa World Tour Finals sa Abu Dhabi sa Oktubre 15 at 16.
Natalo man ay maglalaro naman ang grupo ni Abueva sa Abu Dhabi bukod sa paghahatian nila ang $4,000 premyo.
Para marating ang championship round ay tinalo ng Manila North ang Kobe Japan, 21-19, bago sinibak ang nagdedepensang kampeon na Manila West na binubuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos.
“Wala akong masabi dahil masaya ako at nasa Finals kami. Malaking bagay sa akin ito,” wika ni Abueva na noong nakaraang taon, kasama sina Manuel, Jake Pascual at Ian Sangalang ay hindi nakapasok sa leg finals.
Minalas man ay nagkaroon pa rin ng pakonsuwelo ang Manila West dahil ang kanilang pambato na si Romeo ang kinilala bilang MVP at hari sa 3-point shootout habang si Guevarra ang kampeon sa slamdunk.