Mga Laro Ngayon
(Robinsons Place Manila)
1:45 p.m. NoviSad vs Auckland
2:15 p.m. Doha vs Ljubljana
2:45 p.m. Manila North vs Kobe
3:15 p.m. Manila West vs Longshi
HINDI natalo ang mga koponan na binubuo ng PBA players sa pagsimula kahapon ng 2015 FIBA 3×3 World Tour Manila Masters sa Robinsons Place sa Ermita, Manila.
Ang nagdedepensang kampeon na Manila West na binuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrich Ramos ay unang nanalo sa Auckland New Zealand, 21-18, bago isinunod ang Manila South, 21-14, para pangunahan ang Pool D.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Manila South na binuo ng mga 18-anyos pababa na manlalaro na sina Lucky Ecarma, Jair Ignam, Carlo Ortega at Joshua Sinclair matapos isuko ang 14-21 pagyuko sa mas malalaking New Zealand team.
Nagpapansin din ang Manila North na nakitaan ng tibay ng dibdib sa endgame para maitakas ang dalawang panalo sa Pool B.
Si Vic Manuel ay nagsalpak ng dalawang free throws sa huling pitong segundo upang itatak ang 20-18 panalo sa Beirut Lebanon.
Kontra sa dating world champion na Ljubljana Slovenia, si Troy Rosario ang siyang nagbida nang naipasok ang tip-in sabay tunog ng buzzer para sa 17-16 panalo.
Ang Slovenia at Auckland ay umabante rin sa knockout stage na gagawin ngayong hapon.
Pinangatawanan ng nagdedepensang world champion NoviSad AlWahda ang pagiging number one team nang walisin ang dalawang laro sa Pool A kontra sa Medan Indonesia, 21-8, at Longshi China, 21-6.
Ang Longshi ang kumuha sa ikalawang upuan sa pool sa bisa ng 21-13 panalo sa Medan.
Hindi rin nagpahuli ang Doha Qatar na pumangalawa sa Manila West noong 2014. Bitbit ang dalawang American imports, dinurog ng koponan ang Kobe Japan (21-12) at Kaohsiung Taipei (21-11) para manguna sa Pool C.
Ang quarterfinals sa ligang inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at suportado ng Smart, PLDT, Maynilad, MVP Sports Foundation at Wilson ay sisimulan ganap na ala-1:45 ng hapon, ang semis ay dakong alas-4 ng hapon at ang finals ay dakong ala-5:30 ng hapon gagawin.
Ang mangungunang dalawang koponan ay aabante sa World Tour Finals sa Abu Dahbi mula Oktubre 15 at 16.