Ika-6 sunod panalo natuhog ng Letran

Mga Laro sa Martes
(The Arena)
2 p.m. St. Benilde vs San Sebastian
4 p.m. Letran vs Lyceum
Team Standings: Letran (6-0); San Beda (5-1); Arellano (4-2); Perpetual (4-2); JRU (4-2); Mapua (3-3); Lyceum (1-5); San Sebastian (1-5); St. Benilde (1-5); EAC (1-5)

NAISALPAK ni Mark Cruz ang mahalagang triple sa huling dalawang minuto para maisulong ng Letran ang malinis na karta sa anim na sunod na panalo sa 77-68 tagumpay kontra Arellano University sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

May siyam na puntos sa laro si Cruz at bago naipasok ang krusyal na tres ay may 1-of-10 shooting lamang sa linya.

“We were very patient for this game. We executed our defense and offense very well,” papuri ni Letran coach Aldin Ayo.

May season-high 24 puntos si Kevin Racal at siyam rito ay ginawa sa ikatlong yugto para tulungan ang Knights sa 20-8 palitan upang ang 42-40 kalamangan ay naging 62-48 bentahe sa pagpasok ng huling yugto.

Si Rey Nambatac ay gumawa ng 13 puntos at 10 rebounds habang si Jomari Sollano ay nagbigay ng 12 puntos, 7 rebounds at 4 blocks.

May 14 puntos, kasama ang apat na triples, si Zach Nicholls para pangunahan ang apat na Chiefs na nasa double digits.

Pero isang malaking bagay na ginawa ng Knights ay ang limitahan ang pagkilos si Jiovani Jalalon na mayroon lamang limang assists para magkaroon ng three-way tie sa ikatlong puwesto sa pagitan ng Arellano, Perpetual Help at Jose Rizal University.

Humugot ang Mapua ng solidong laro sa opensa at depensa sa endgame mula kay Allwell Oraeme para maisantabi ang pagkawala ng 43 puntos bentahe sa first half para angkinin ang 109-95 tagumpay sa Lyceum.

Inangkin ni Oraeme ang huling walong puntos ng Cardinals bukod sa pinangunahan ang paghablot ng mga krusyal na rebounds para mailista ng pangalawang sunod na panalo tungo sa 3-3 karta.

May season-high 26 puntos ang 6-foot-9 na si Oraeme bukod pa sa 20 rebounds at 5 blocks habang si Josan Nimes ay mayroon ding season high na 24 puntos at 17 ang kanyang ginawa sa first half para tulungan ang host school na makatikim ng 64-21 bentahe bago nakontento sa 68-28 halftime lead.

“We won but I’m not happy with it. Sa ipinakita namin sa first two quarters, sabi ko pang-Final Four kami. Pero sa inilaro nila sa third at fourth period, pakiramdam ko talsik na kami,” wika ni Mapua coach Fortunato Co na hindi natapos ang laro matapos patalsikin sa laro nang pituhan ng pangalawang technical foul nang hubarin ang uniporme sa bench bilang pagtutol sa tawag ng referee.

Ipinakita rin ng Emilio Aguinaldo College na kaya nilang manalo nang iuwi ang 77-71 panalo sa San Sebastian sa unang laro.

Sina Laminou Hamadou, Sidney Onwubere at Francis Munsayac ay mayroong 18, 13 at 11 puntos at ang naunang dalawa ay humablot ng 12 at 14 rebounds para tapusin ang limang sunod na talo sa paggabay ng bagong coach na si Andy de Guzman.

“Tingin sa amin ay hanggang pang-second quarter lang. Sinabi ko sa kanila na dapat ay baguhin ang pagtingin sa amin. Siguro sawa na rin ang mga players sa talo,” ani ni De Guzman.

Read more...