Willie nagsisilbing gamot ng mga ulyaning senior citizen

willie revillame

Sa totoo lang, biglang nabuhayan ng loob ang mga tagasuporta ni Willie Revillame nang lumabas ang balita na hindi mawawala ang kanyang programang Wowowin, tuluy-tuloy pa ring mapapanood ‘yun hanggang sa maipuwesto na ang game show sa tamang oras na hinihiling ng aktor-TV host sa GMA 7.

Tumawag agad sa amin ang isang kaibigan na ang lola ay nobenta’y otso anyos na. Hindi na sila nakikilala ng matanda pero sa kung anong dahilan ay kilalang-kilala ni lola si Willie.

“Mula naman kasi nu’ng Wowowee pa, e, talagang nakatutok na ang lola ko kay Willie. Kahit saang station siya mapunta, sumusunod ang lola ko sa kanya.

“Nag-TV5 siya, everyday, nakatutok sa kanya ang lola ko. Si lola pa nga ang nagpapaalala ng time slot niya sa mga nag-aalaga sa kanya. Kinakalabit niya ang katabi niya, si Willie na raw.

“Kaya nu’ng may magsabi sa kanya na pansamantala lang mawawala si Willie sa Wowowin, e, nalungkot si lola. Pero nu’ng malaman namin na hindi naman pala, naku, tuwang-tuwa ang lola ko!

“Hindi na nga niya nakikilala ang mga apo niya, pero kapag si Willie ang itinuturo mo, itataas pa niya ang right hand niya, W raw. Three fingers niya ang sign ng W niya, nakakaloka!

“Parang siya ang gamot ng lola ko, basta nakita na niya si Willie, tuwang-tuwa siya! Grabe ang charisma ni Willie sa matatanda!” kuwento pa ng kaibigan namin.

Tuluy-tuloy lang ang ligaya sa Wowowin!

Read more...