DAPAT bantayang mabuti ng Korte Suprema ang pagpapataw ng hustisya ng mga maherado sa Makati City dahil ang lungsod na ito ay show-window ng bansa dala ng pagiging business center ito ng Pilipinas.
Maihahambing ang Makati City sa New York City sa America gawa ng pagiging business center ng buong US ng huli.
Ang “Magnificent 7,” na kinabibilangan ng sindikato ng mga corrupt judges ng Makati ilang taon na ang nakalilipas, ay wala na.
Ilan sa Magnificent 7 ay namatay na (gawa marahil ng karma) samantalang ang iba naman ay buhay pa pero malapit na rin sa libingan dahil sila’y matanda at masakitin na.
Pero maraming humaliling judges ng Makati na kasing corrupt ng—o mas corrupt kesa– Magnificent 7.
May tatlong huwes sa Makati na ang hinahawakan ay mga commercial cases at sila’y nagdedesisyon pabor sa mga litigants na naglalagay sa kanila.
May judge na pinayagan ang isang pulis na akusado ng murder sa pagpatay ng isang batang scavenger na makapagpiyansa, samantalang ang murder ay walang bail.
Ang dahilan ng judge na ito ay bata-bata ng mga Binay ang akusadong pulis.
May isa ring judge na dapat ay hindi binigyan ng piyansa ang dalawang dayuhan na nasasakdal ng drug trafficking dahil ito’y non-bailable, pero pinayagan na makapagpiyansa.
Ang dahilan: Tinapalan sa mukha ng malaking pera ang nasabing judge.
And finally, may isang huwes na ginawang katawa-tawa ang ating bansa sa buong mundo dahil sa magaang na sentensiya na binigay niya sa tatlong akusado ng murder.
Ang tatlo ay mga angkan ng mayayamang pamilya na pinagtulungang saksakin ang isang US Marine major.
Binaba sa homicide ng nasabing judge ang kasong murder upang mabigyan ng magaang na parusa ang tatlo.
Paano naging homicide ang kaso nila samantalang hinabol nila ang Amerikano na tumakbo na, at nang abutan nila ay pinagsasaksak nila ito?
Maliwanang na sinuhulan ang judge na ito.
Nang tinanong siya ng kanyang mga kaibigan kung bakit binigyan lang niya ng magaang na parusa ang tatlong kalalakihan, sinabi raw niya, “Ok lang dahil banyaga naman ang biktima.”
Hinalungkat ko ang background ng nasabing judge at ito ang nahanap ko:
Noong 2005, binigyan ng judge na ito ang walo katao na kinasuhan ng syndicated estafa, na isang non-bailable offense.
Ang mga akusado diumano’y nanggantso ng daan-daang biktima ng milyon-milyong piso.
Matapos na binigyan niya ng piyansa ang mga akusado, ang huwes na ito at kanyang misis ay nagbakasyon ng matagal sa ibang bansa.
Ang government prosecutor na nakatalaga sa kanya ay nagka-stroke dahil di niya masikmura ang pagiging corrupt ng judge na ito pero hindi siya makaalma.
Kung ang mga judges sa premier city ng bansa ay hindi masupil sa kagaguhan, paano natin maaasahan ang mga huwes sa mga ibang lungsod at bayan na maging tapat sa kanilang tungkulin?
* * *
Siyempre, hindi lang sa Makati City na may judges na nagpapataw ng maling desisyon.
Sa maraming taong ng aking pamamahayag, nakita ko ang ilang mali o nakakatawang desisyon ng korte.
Isa sa mga ito ay alam nating lahat dahil ang kasong ito ay tinaguriang “the crime of the 20th century”: Ang Vizconde massacre trial.
Lahat ng mga akusado, na angkan ng mga prominenteng pamilya, ay pinaratangan na nagsabwatan sa pagpatay at panghalay sa pamilya Vizconde sa BF Homes village sa Paranaque City noong June 30, 1995.
Ang hindi alam ng publiko, na siyang nag-pressure sa huwes na magbigay ng guilty verdict, ay nakilala lang ng mga akusado ang isa’t isa noong sila’y iprinisinta na sa korte.
Paano sila nagsabwatan na patayin ang pamilya Vizconde samantalang hindi sila magkakilala?
Isa pa, ang pinaka-prominente sa mga akusado, si Hubert Webb, anak ni Sen. Freddie Webb, ay nasa America noong panahon ng malagim na krimen.
Isa pang kasong nakakatawa ang desisyon ay yung ipinataw na mabigat na parusa sa isang paralitiko sa salang panggagahasa o rape.
Ang akusado ay isang quadriplegic. Hindi niya naikikilos ang dalawa niya kamay at dalawa niyang paa.
Kung hindi niya maigalaw ang kanyang dalawang kamay at paa, paano niya maipasok yung kanya sa biktima?
Paano siya makapan-rape samantalang kinakailangan pa siyang kargahin ng dalawang tao upang siya pumunta ng comfort room?
Ang mas masakit pa nito, pinawalang saysay ng Court of Appeals ang apela ng quadriplegic kahit na personal akong nag-appeal sa mga justices na nag-review ng kaso.