PALAISIPAN sa amin kung si DILG Sec. Mar Roxas na ang sususportahan nina Mother Lily Monteverde at anak nitong si Roselle Monteverde-Teo (producers ng Regal Entertainment) sa 2016 presidential elections.
Sila kasi ang nakitang nakaupo sa likod ng pamilya ni Mar na sina Ging Judy Araneta-Roxas, nag-iisang anak na lalaki ng kalihim at maybahay nitong si Ms. Korina Sanchez-Roxas sa ginanap na pag-endorso ni Presidente Noynoy Aquino kahapon kay Sec. Mar sa Club Filipino, Greenhills, San Juan.
Paano na si Sen. Grace Poe-Llamanzares na hinuhulaang kakandidato rin sa pagkapangulo ng Pilipinas? Hindi ba’t malapit din ang pamilya Monteverde sa pamilya Poe lalo na kay Ms. Susan Roces?
Sabagay, hindi pa naman sigurado si Grace Poe sa pagtakbo niya bilang pangulo, baka hindi rin siya kuntento sa tambalan nila ni Sen. Chiz Escudero na nagpahayag na rin ng kagustuhang tumakbo bilang vice-president sa 2016.
Anyway, naniniwala raw si P-Noy na si Mar ang magpapatuloy sa kanyang “Daang Matuwid” kaya ito ang inendorso niya.
Napaluha naman si Mar nang banggitin niya na kung hindi namatay ang kapatid niyang si Dinggoy o Gerardo Roxas, Jr. ay wala sana siya sa pulitika.
Ang namayapang kapatid daw ang magpapatuloy ng legacy ng ama sa pulitika na si dating Sen. Gerardo Roxas, Sr..
Pagkatapos ng announcement ni P-Noy ay ipinarinig naman ni Noel Cabangon ang awitin niyang, “Dapat Ang Pangulo, MARangal, MARespeto.”
Samantala, bukod sa mag-inang Mother Lily at Roselle ay nakita rin sa pagtitipon sina Dennis Padilla, Smokey Manaloto at Leah Navarro na naging host habang hinihintay ang pagdating ng grupo ni P-Noy.