GAME ang Kapuso leading man na si Mike Tan na makipaghalikan o makipagromansahan sa kapwa lalaki sa isang teleserye o pelikula kung talagang kailangan sa kuwento.
Nakachika namin ang Kapuso hunk actor at isa sa cast members ng GMA Telebabad series na The Rich Man’s Daughter kamakailan at sinabi nga niyang handa siyang magpaka-daring at gumawa ng mga eksenang kailangang magpakita ng katawan, pero sa isang kundisyon.
“Sa akin okey lang ‘yun. Wala namang problema. Pero siyempre, kailangan naman yung materyal may depth, hindi yung basta lang sexy.
Dapat may lalim, kumbaga may acting piece. Yung mailalabas ko rin yung skills ko bilang aktor,” paliwanag ni Mike.
Okey din sa Kapuso actor na gumanap uli ng bading sa isang serye o movie tulad ng role niya sa The Rich Man’s Daughter pero aniya, “Basta ibang atake naman na bading.
Kasi sa Rich Man’s closet gay, di ba? Kaya itodo na natin. Siguro sa susunod yung…like sa pelikula ni Sean Penn (Hollywood movie na Milk), yung ganu’n. May lalim, may social relevance.”
Samantala, dalawang pelikula ang tinatapos ngayon ni Mike, ang “No Boyfriend Since Birth” with Tom Rodriguez and Carla Abellana under Regal Films at ang indie movie na “Panginoong Diyos-Diyosan” kung saan makakasama niya si Princess Punzalan.
Gaganap siya rito bilang isang lalaking nagsimula sa wala pero naging Pangulo ng Pilipinas. Nilinaw naman ni Mike ang mga chika na masama ang loob niya sa GMA dahil puro supporting roles lagi ang ibinibigay sa kanya kaya wala pa talaga siyang matatawag na proyekto na kanyang-kanya lang.
Marami-rami na rin namang nagawang serye si Mike sa GMA simula nu’ng manalo siyang Ultimate Male Survivor sa Starstruck, nandiyan ang Kung Aagawin Mo Ang Langit, Legacy at Faithfully.
Masaya pa naman daw siya sa GMA at nananatili siyang loyal sa network, “Siguro kuntento lang ako. Steady lang ako. Hindi naman ako masyadong naghahangad ng mas mataas. Pero kung ibibigay, e, di sige.
“Ang sa akin, trabaho ay trabaho. Kung anuman ang ibigay sa ‘yo, pagbutihin mo, huwag lang lalaki ang ulo mo,” aniya. Paano kung pagkatapos ng The Rich Man’s Daughter ay matengga na naman siya nang matagal at hindi pa rin mabigyan ng leading man role, “Basta ako, masaya ako.
Hindi na ako naghahangad ng mas malaki. Kung bigyan man ako ng pagiging leading man, okay, gagawin ko ang trabaho ko.
“Pero kung hindi, kung ano ang ibibigay sa akin, gagawin ko pa rin ang hundred percent ko. Gusto kong maging actor at hindi ko gustong maging sikat na artista,” paliwanag pa ni Mike na in fairness ay deserving naman na mabigyan ng malaking project.
Nagulat naman ang binata nang marinig ang tsismis na may mga Kapuso stars na naiinggit sa kanya, “Ako? Bakit?! Pero sa tingin ko, blessed din ako, kasi most of the time na naibibigay sa aking role, hindi siya typical.”
Tungkol naman sa kanyang lovelife, 10 years and going strong pa rin sila ng kanyang non-showbiz girlfriend. Of course, umaasa si Mike na sila na nga ng kanyang dyowa ang magkakatuluyan hanggang sa huli.
Inamin naman ng Kapuso actor na dumadaan din sa pagsubok ang relasyon nila, “Siyempre hindi naman mawawala yung mga rough roads.
Hindi natin maiiwasan yun. Pero dahil sa mga challenges na yun, mas nagiging strong yung relationship namin.”
Halos 10 years na sila ng kanyang GF pero hanggang ngayon ay ayaw pa ring ibigay ni Mike ang pangalan ng girl, pero sa pagkakaalam namin, nagwo-work daw ito sa isang business process outsourcing company.