PINAIIWAS muna ang publiko na lumangoy sa beach sa mga bayan ng El Salvador City at Opol, Misamis Oriental matapos ang ulat na nakakita ang mga mangingisda ng mga pating na kumakain ng isang bangkay ng tao, tinatayang 10 kilometro ang layo sa karagatan noong Martes ng umaga.
Sinabi ni Fernando Vincent Dy Jr., opisyal ng Misamis Oriental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isang grupo ng mangingisda ang nakakakita ng isang bangkay ng tao na lumulutang sa tubig ganap na alas-9 ng umaga kamakalawa.
Idinagdag ni Dy na kukunin sana ng mga mangingisda ang bangkay nang mapansin nila pinagpipiyestahan ito ng mga pating.
Sinabi pa ni Dy na inubos ng mga pating ang buong bangkay at walang natira para makilala ang biktima.
“Sharks have been seen before in the waters off El Salvador,” ayon pa kay Dy.
Niliwanag naman ni Dy na hindi pa tiyak kung ang mga pating ang pumatay sa biktima.
Ayon kay Dy, nagbigay na sila ng abiso na umiwas muna ang publiko na mag-swimming sa karagatan ng El Salvador at kalapit na bayan ng Opol habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung anong klaseng mga pating ang umubos sa bangkay ng tao. Inquirer