Bagong NPA commander, 3 iba pa dakip sa Davao City

npa
Apat na lalaki, kabilang ang umano’y humalili sa napatay na lider ng New People’s Army (NPA) na si Leoncio Pitao, ang nadakip sa Davao City kamakalawa (Martes) matapos makuhaan ng mga granada at gamit panggawa ng bomba, ayon sa mga awtoridad.

Kasama sa mga naaresto si Joel Quano, gumagamit ng alyas na Christopher Cojetia Rollon, sabi ni Superintendent Antonio Rivera, tagapagsalita ng Southern Mindanao regional police.

Si Rollon ang umano’y pumalit kay Pitao, na mas kilala bilang Commander Parago, bilang lider ng NPA Pulang Bagani Command 1, sabi naman ni 1Lt. Alexandre Cabales, public affairs officer ng Army 10th Infantry Division.

Matatandaang napatay ng mga kawal si Pitao, isa sa mga pinakatanyag na lider ng NPA sa Mindanao, noong Hunyo.

Nadakip din sina Ranie Niñal, Mike Capito, at Alexander Bartolome, na isang political officer ng NPA Southern Mindanao Regional Committee, ani Cabales.

Dinampot ang apat dakong alas-12:30 ng tanghali sa Station Grill na nasa kahabaan ng MacArthur Highway.

Ayon kay Rivera, isinagawa ng Davao City Police Station 10 (Calinan), intelligence division, at Army 69th at 84th Infantry Battalions ang operasyon para madakip si Quano, na nahaharap sa dalawang arrest warrant para sa attempted murder at robbery.

Nang kapkapan ay nakuhaan si Quano at mga kasamahan niya ng dalawang granada, dalawang “firing device,” mga remote control, improvised blasting caps, improvised grenade container, walong baterya, at isang kalibre-.45 pistola, aniya.

Nasa kostudiya na ng Davao City Police si Quano, ang kanyang mga kasama, at ang mga nakumpiskang ebidensya.

Read more...