Mga Laro sa Biyernes
(The Arena, San Juan)
12 nn SSC vs EAC
2 p.m. Lyceum vs MIT
4 p.m. Letran vs Arellano
Team Standings: Letran (5-0); San Beda (5-1); Arellano (4-1); Perpetual Help (4-2); JRU (4-2); Mapua (2-3); San Sebastian (1-4); Lyceum (1-4); St. Benilde (1-5); EAC (0-5)
NAGPAKITA ng katatagan ang five-time defending champion San Beda Red Lions sa endgame para kunin ang 83-81 panalo kontra Perpetual Help Altas at solohin ang pangalawang puwesto sa pagpapatuloy ng 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena, San Juan City.
Si Arthur dela Cruz ay mayroong 25 puntos, 17 rebounds at 6 assists ngunit sina Ola Adeogun, Dan Sara at Micole Sorela ang mga nagsanib-puwersa para mapigil ang ilang pagbangon ng Altas.
Ito ang ikatlong sunod na panalo para sa Red Lions na may 5-1 karta. “They just keep on coming back. The good thing is we were able to hang on,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.
Si Adeogun ay mayroong 11 puntos at 13 rebounds at anim dito ay ginawa niya noong bumangon ang Altas mula 11 puntos pagkakalubog (65-54) tungo sa 70-69.
Si Sara ang nagdala sa takbo ng opensa habang si Sorela, na mayroong 15 puntos, 10 rebounds at 4 assists, ay umiskor ng anim na puntos sa huling yugto.
Pinakamalaki niyang nagawa ay nang agawin niya ang inbound pass ni Earl Scottie Thompson tungo sa dalawang free throws sa huling 6.8 segundo para ilayo ang San Beda sa apat, 83-79.
Si Thompson ay gumawa ng 20 puntos, 10 rito sa huling yugto. Ngunit nasaktan ang Altas sa masamang 5-of-13 shooting sa free throw line na malayo sa naitalang 25-of-30 sa 15-foot line sa naunang limang laro.
Si Bright Akhuetie ay mayroong 25 puntos, 16 rebounds at 6 steals habang si Gabriel Dagangon ay mayroong 18 puntos, kasama ang tatlong triples sa huling yugto, para sa Altas na natalo sa ikalawang sunod at nahulog sa 4-2 karta.
Nakasalo naman ng Jose Rizal University ang Perpetual Help sa ikaapat na puwesto matapos ilampaso ang St. Benilde Blazers, 67-49, sa unang seniors game kahapon.