ISANG sulat ang natanggap namin sa isang nagngangalang Viv tungkol sa nanay niyang OFW.
Dating OFW ang nanay ni Viv. Mahigit 10 taon itong nagtrabaho sa Kuwait. Umuwi lamang ito noong Nobyembre 2014 dahil sa sakit na lupus. Naospital doon ang kanyang nanay at dito na itinuloy ang gamutan.
Palibhasa’y for-good na ang pag-uwing iyon ng nanay ni Viv kaya’t ipinadala na nito ang lahat ng kanyang mga personal na gamit sa United Cargo Express sa Kuwait.
Ayon kay Marilyn, sinabi ng manager ng cargo company na isa o dalawang buwan lamang ay makakarating na sa Pili- pinas ang naturang mga kargamento. Ang kaso, 10 buwan na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang naturang cargo.
Nagpadala ng email si Viv sa Kuwait sa pamama- gitan ng email address na ueckuwait@yahoo.com.
Ngunit ang sagot sa kaniya: May problema daw yung cargo at na-cancel ang visa noon. Hindi na daw maide-deliver sa kanila iyon dahil abandoned na raw sa Bureau of Customs dito sa Pilipinas.
At kahit nasa Pilipinas na, paliwanag pa daw kay Viv, hindi na raw nila mailalabas iyon dahil wala na silang pambayad pa doon.
May isinama pang cargo manifest si Viv sa kaniyang email bilang patunay na iyon ang nga cargo company na pinagpadalhan nga ng kaniyang ina.
Marami din ‘anya silang mga Pilipino pa sa Kuwait na pawang hindi na rin nakarating ang kanilang mga kahon sa Pilipinas.
Dahil dito, lalo pang na-stress ang kanyang ina dahil lagi na itong iniisip. At sino ba naman ang hindi mag-iisip dito lalo na’t pinaghirapan niya itong mabuti?
Nag-aalala naman si Viv dahil baka lalo pang lumala ang lagay ng ina dahil sa problemang ito. Kahit pa magdagdag pa daw sila ng bayad, huwag lang namang kalakihan, lalo pa’t naririto na naman sa Pilipinas ang mga kargamento.
Nakikipag-ugnayan na ang Bantay OCW sa Bureau of Customs at Department of Finance hinggil sa mga kasong katulad nito.
Kahit walang naiuwing pera si Annie mula sa Malaysia, masaya naman siyang nakabalik na sa piling ng mga mahal sa buhay.
Sumama lamang sa kanyang kapitbahay si Annie bilang turista sa Malaysia dahil sa pangako sa kanyang madali siyang makakahanap ng trabaho roon.
Kahit pa may asawa at tatlong anak, pikit-mata itong umalis ng bansa, buo ang tiwalang magiging maayos ang kaniyang kalagayan doon at makakahanap ng maayos na trabaho.
Hindi naging madali kay Annie ang unang anim na buwan sa paghahanap ng trabaho hanggang sa may mapasukan itong malupit na amo. Palibhasa’y alam ng employer na turista lamang siyang pumasok doon kung kaya’t ginawa nila ang lahat ng pananakot kay Annie at hindi nila ito pinasahod.
Humingi ng tulong sa Bantay OCW ang kanyang kapatid at mabilis namang umalalay ang ating embahada doon. Kahit hindi naibigay ng buo ang usapang pasuweldo, masaya na rin si Annie na nakalaya siya sa malupit na amo at nakauwi na ngayon sa Pillipinas.
Pangako niya sa Bantay OCW, hinding-hindi na siya aalis ng bansa, lalo pa’t hindi legal ang kanyang pag-aabroad.